Isa ang Team Secret sa mga kinatawan ng Southeast Asia para sa paparating na Horizon Cup 2021, ang kauna-unahang global tournament ng League of Legends: Wild Rift.

Sinelyo ng koponan ang pagkakataong makalipad sa Singapore matapos maka-abot sa grand final ng Wild Rift SEA Championship 2021 kasama ang SBTC Esports ng Vietnam.

Nakapanayam ng ONE Esports Philippines ang kapitan ng Team Secret na si James “Hamez” Santos tungkol sa kanyang kanyang professional career bilang LoL at WR player at personal goal ngayong taon papasok sa unang international showdown ng laro.

Credit: Team Secret

Paano nagsimula ang career ni Hamez bilang pro player

Isa si Hamez sa mga batikang manlalaro ng League of Legends sa Pilipinas. Nagsimula ang kanyang karera bilang professional player matapos ma-scout ng tanyag na esports organization na Mineski noong 2014.

“Nag-rank 1 ako sa leaderboard noong time na ‘yon tapos ’yun na po. Third year high school po ako noon eh,” kwento ni Hamez.

Ngunit sa kabila ng kanyang potensyal, hindi agad napapayag ng manlalaro ang kanyang mga magulang sa nais niyang gawin. Mula Baguio, nakwento niya kung paano siya patakas na lumuwas papuntang Maynila.

“Tumakas lang po talaga ako kasi alam kong hindi ako papayagan eh. Tapos nung [nasa Manila] naman na po ako, sinuportahan na rin po ako” paliwanag niya.

Naging makulay ang kanyang karera sa bilang professional player ng Mineski na kalauna’y naging Liyab Esports. Isa sila sa mga pangunahing pambato ng Pilipinas pagdating sa mga national at regional-wide na LoL tournaments.

Credit: Globe

Isa pa nga sa mga pinaka hindi niya malilimutang moment ng kanyang karera ay noong nag-champion sila sa SEA Invitational 2019 noong Conquerors Manila.

Pinagbidahan ng apat na koponan ang naturang turneo kung saan nagwagi ang Liyab Esports, sa tulong ni Hamez, matapos walisin ang kapwa pambato ng Pilipinas na SteelWolves Gaia sa best-of-five grand final.

Ang paglipat ni Hamez mula LoL papuntang WR

Dahil sa pandemya na dulot ng COVID-19 ang paglipat ni Hamez sa Wild Rift matapos ang higit anim na taong pagiging LoL player. Kasabay kasi ng pag tamlay ng lokal na competitive scene ng LoL ay ang pag-usbong naman ng iba’t-ibang mobile esports titles sa bansa.

Ang pag lipat ni Hamez mula LoL papuntang WR
Credit: Team Secret

“Hindi po talaga dapat ako lilipat kasi sobrang mahal ko yung LoL eh, pero dahil sa pandemic nga, parang namatay ‘yung League of Legends sa Pilipinas tapos ‘yung caliber ng players na natira parang para sakin, no hard feelings naman sa kanila, pero parang hindi na kayang makipagsabayan sa internationally,” aniya.

Kaya’t noong ni-release sa Pilipinas ang Wild Rift noong nakaraang taon, sinunggaban na ni Hamez ang pakakataon.

“… Nakita ko ‘yung bright future pagdating sa Wild Rift kasi nga [ang] lakas ng Pilipinas pagdating sa mobile. Ta’s ‘pag nadala ko ‘yung macro galing sa LoL PC sa mobile… parang solid,” paliwanag niya.

Bukod sa esports scene nito, maliwanag din daw ang kinabukasan ng mga Filipino Wild Rift players. Binigay na halimbawa ni Hamez ang kanyang kakampi na si Caster “Chewy” Dela Cruz.

“Hindi naman po siya nag-LoL PC na pro pero nung nag-switch siya [sa] WR sobrang taas ng potential niya. So marami po talagang fresh bloods na players na mataas yung caliber at skillset,” sabi niya.

Si Hamez bilang heneral ng Team Secret

Si Hamez bilang heneral ng Team Secret
Credit: Riot Games

Gaya kung paano siya naging isa sa mga haligi ng PH LoL scene, gayundin si Hamez bilang Wild Rift pro para sa Team Secret.

Dahil pa nga sa kanyang tikas bilang kapitan ng koponan at taglay na husay pagdating sa pagda-draft, nakilala sa rehiyon ang manlalaro bilang si General Hamez.

Ngunit sa kabila ng pangalang ito, dagdag pa ang katanyagan ng bandera ng Team Secret pagdating sa larangan ng esports, naitanong namin kung nagbibigay ba ang mga ito ng pressure para sa kanya. Ito ang kanyang isinagot:

“Ang focus ko ibigay ‘yung best ko kaya parang nawawala yung factor na may pressure… Ang mahalaga po naglalaro ka dahil sa passion mo tsaka gusto mo ipakita yung talent mo,” sagot niya.

Credit: Team Secret

Gamit ang work ethic, consistency, at focus na natutunan niya bilang pro LoL player, ito ang nais tuparin ni General Hamez ngayong taon kasama ang Team Secret sa paparating na Horizon Cup 2021:

“‘Yung minimum goal ko is makapasok nga ng [Horizon Cup 2021] at makapag-playoffs… Pero ‘yung pinaka-goal ko is ‘yung mag-champion.”

Bago tapusin ang panayam, nagpabatid din ng pasasalamat si Hamez sa kanyang pamilya at mga kaibigan.

“Shoutout sa family and friends na patuloy sumusuporta sa’kin tsaka never nag-doubt na maa-achieve ko ‘tong dream ko.”


Masusubaybayan ang Team Secret sa Horizon Cup 2021, na gaganapin simula ika-13 hanggang sa ika-21 ng Nobyembre.

Para manatiling updated sa kampanya ng koponan sa nasabing turneo, i-like at follow din ang opisyal na Facebook page ng ONE Esports Philippines.

BASAHIN: Secret.Azar sa kung sino ang kaya niyang balagbagin sa Baron lane: ‘Lahat ng nakakatapat ko’