Mapagbibigyan ang nais ni Robert “Trebor” Mansilungan na makabawi kontra SBTC Esports sa knockout stage ng Horizon Cup 2021.
Ito ay matapos maselyo ng karibal na Vietnamese squad ang third seed sa Group A at maka-abante sa susunod na stage ng kauna-unahang global Wild Rift tournament, kung saan naghihintay para sa kanila ang koponan ni Trebor na Team Secret.
Bakit nais ni Trebor na makabawi kontra SBTC Esports
Sa isang interview kay Trebor, ilang saglit matapos nilang walisin ang Sengoku Gaming para maselyo ang spot sa knockout stage, ipinabatid niyang may unfinished business pa sa pagitan ng dalawang kinatawan ng Southeast Asia.
Ang koponan mula Vietnam kasi ang tumalo sa mga Pinoy noong grand final ng Wild Rift SEA Championship 2021, ang turneo na nagsilbing qualifier ng rehiyon para sa Horizon Cup 2021. Dahil dito, nais ng bantog na Jungler na makabawi kontra SBTC Esports.
Nang isagot ito ni Trebor sa nasabing panayam, hindi pa tukoy ng koponan kung sino ang kanilang makakaharap sa unang best-of-five serye nila sa tumatakbong turneo.
Sa kabila kasi ng mataas na pagtingin sa kanila, hindi naging maganda ang panimula ng SBTC Esports sa unang dalawang araw ng patimpalak. Dalawang sunod na 0-2 pagkatalo ang dinanas nila kontra Da Kun Gaming at Rolster Y, kaya’t namalagi ang mga ito sa pinaka-ibaba ng standings.
Nakabawi na lamang ang pambato ng Vietnam nang manaig sila kontra kinatawan ng North America na Tribe Gaming at TSM mula Brazil noong huling dalawang araw ng group stage para makasabit sa listahan ng mga koponan mula Group A na aabante sa knockout stage.
Nakatakdang iraos ang harapan sa pagitan ng Team Secret at SBTC Esports sa ika-19 ng Nobyembre, sa ganap na ika-anim ng gabi.
Masusubaybayan ang mga laban sa opisyal na Filipino broadcast ng Wild Rift Horizon Cup 2021 sa Facebook page at YouTube channel ng Philippine Pro Gaming League (PPGL).