Nauwi sa 3rd-4th place ang mahabang kampanya ng kinatawan ng Pilipinas na Team Secret sa Horizon Cup 2021, ang kauna-unahang global tournament ng League of Legends: Wild Rift. 

Dinaig ng Da Kun Gaming ang mga Pinoy sa semifinals ng Knockout Stage. Bagamat hindi pumayag na mawalis ng naturang koponan mula China, kinapos pa rin ang Team Secret matapos ang apat na mapa ng best-of-five serye, 3-1.

Ang kampanya ng Team Secret sa Horizon Cup 2021

Ang kampanya ng Team Secret sa Horizon Cup 2021
Credit: Riot Games, Inc. (used with permission)

Sa kabila ng kabiguang maiuwi ang kampeonato ng Horizon Cup 2021, marami pa rin ang natuwa sa resulta ng Team Secret.

Sa entablado sa Singapore lang kasi unang nagkaroon ng pagkakataon ang koponan na makipagkompetensiya nang sama-sama, simula noong mabuo ito noong Pebrero. Inamin ito ng mga manlalaro sa ONE Esports Philippines sa isang panayam.

“Every time na nagko-compete kami sa tournaments, hiwa-hiwalay po talaga kami,” ani ng kapitan ng koponan na si James “Hamez” Santos.

Ipinabatid din ng Baron lane player ng koponan na si Eleazar “Azar” Salle na ibang usapan kung sila ay maglalaro nang sama-sama dahil siguradong mas kakayanin daw nila ang mga kalaban.

Mariin itong napatunayan ng koponan matapos magpamalas ng kakaibang husay sa kahabaan ng turneo. Nagtala ang Team Secret ng 6-0 win streak, matapos sunod-sunod na talunin ang eBRO Gaming, Team Queso, at Sengoku Gaming sa group stage.

Team Secret sa Horizon Cup 2021
Credit: Riot Games, Inc. (used with permission)

Bukod dito, nakasungkit din ng kanya-kanyang MVP ang main roster ng Team Secret noong group stage. Sila lang ang tanging koponang nakagawa nito sa 10 teams na bumubuo sa naturang turneo.

Pagka-abante ng mga Pinoy sa Knockout Stage, hinarap sila ng karibal na SBTC Esports sa quarterfinal. Katuparan ito sa hiling ni Trebor na makaharap ang nasabing koponan dahil bago ang muling pagtutuos ng dalawang pambato ng Southeast Asia, apat na beses natalo ang mga Pinoy kontra sa nasabing koponan mula sa Vietnam. 

Dito napatunayan ng Team Secret na hindi pa talaga nila nailalabas ang tunay nilang potensiyal. Hindi kasi naka-iskor kahit isang mapa ang SBTC Esports sa kahabaan ng serye.

Team Secret Azar at SBTC Esports Yunero
Credit: Riot Games, Inc. (used with permission)

Highlight play ang Quadra Kill ni Azar noong ikatlo at huling mapa ng best-of-five matapos niya pagda-dakdakan ang mga miyembro ng SBTC Esports bilang Darius. Ang tagumpay din ng Team Secret sa game three ang ikatlo sa pinakamabilis na laban sa Horizon Cup 2021.

Sa kabila ng matagumpay nilang paghiganti, tuluyan nang nabigo ang Team Secret kontra top seed ng Group A para wakasan sa 3rd-4th place ang unang kampanya na kanilang pinasok nang magkakasama sa iisang lugar.


Dahil sa ipinamalas na husay ng Team Secret sa Horizon Cup 2021, mag-uuwi ang mga Pinoy ng USD $60,000, o higit PHP 3 milyon, mula sa USD $500,000 prize pool ng turneo.