Malaki ang potensyal ng Sibol Wild Rift women’s team na masungkit ang inaasam na gintong medalya sa 31st Southeast Asian Games na kasakuluyang tumatakbo sa Hanoi, Vietnam.
Ibabandera kasi ang Pilipinas sa League of Legends: Wild Rift women’s division ng GrindSky Eris, ang kinikilalang pinakamalakas na all-female WR squad hindi lang sa bansa kundi sa buong Southeast Asia.
Makailang ulit nang nagtala ng perfect run ang koponan ni coach John Eric “Recmeister” Peña patungo sa kampeonato ng mga torneo sa loob at labas ng Pilipinas. Nitong taon nga lang ay na-sweep nila ang SEA Esports Championship at ang FSL Open II 2022. Winalis din nila ang SGL All Females Amateur Rift Winter noong Disyembre 2021 at ilan pang mga torneo noong kinakatawan pa nila ang Nexplay Tempest.
Narito ang mga manlalarong bumubuo sa Sibol Wild Rift women’s team at kani-kanilang background sa esports na ibinahagi nila sa isang eksklusibong panayam kasama ang ONE Esports Philippines.
Ang mga miyembro ng Sibol Wild Rift women’s team
Christine Ray R. Natividad
IGN: Rayray
Role: Mid Laner
Edad: 19
Siyudad/Probinsya: Bulacan
Ang kapitan ng koponan, si Rayray ang naghanap at nagtipon-tipon sa mga nauna at natirang miyembro noong nagtatrabaho pa siya bilang talent/streamer ng Nexplay. Kalaunan ay lumipat sila sa umuusbong na GrindSky Esports at nagtagumpay sa national team selection para buuin ang Sibol Wild Rift women’s team.
Nagsimula siya sa paglalaro ng League of Legends PC at pagsali sa mga torneo kasama ang kanyang mga kaibigan noong 2018. Nag-disband ang kanilang LoL team dala ng pandemic at naisipan niyang tumalon sa Wild Rift noong nasa beta stage pa lang ito.
Charize Joyed P. Doble
IGN: Yugen
Role: ADC
Edad: 18
Siyudad/Probinsya: Manila
Sinimulan din ni Yugen ang kanyang esports career sa LoL PC. Mula sa kaswal na paglalaro sa computer shop at kanilang pisonet ay naging miyembro siya ng Ardent Esports noong 2019. Ngunit naapektuhan din ng pandemic ang kanilang koponan kaya sinubukan niya ang Wild Rift hanggang sa mag-tryout sa binubuong team ni Rayray.
Kilala pa sa kanyang IGN na “Chabi”, naging Top 1 Challenger siya sa PH at ika-49 naman sa Asia server noong nakaraang taon.
Giana Joanne D. Llanes
IGN: Jeeya
Role: Support
Edad: 26
Siyudad/Probinsya: Cavite
Itinuturing ni Jeeya ang kanyang sarili bilang isa sa mga OG ng gaming sa Pilipinas. Kasi nga naman, namulat siya sa paglalaro ng RAN Online, CABAL Online, Audition at O2Jam, at sa edad na walong taon ay nanalo siya sa isang kompetisyon. Naglaro rin siya ng Dota (Warcraft III: Frozen Throne) at naging miyembro pa nga ng tanyag na organisasyon na Mineski bago siya malipat sa LoL PC noong 2014 kung saan naman naging stand-in siya ng Execration at manlalaro ng GGTY na kinuha ng Liyab Esports.
Naging kakampi niya si Yugen noong 2020 sa Ardent at hanggang sa lumipat sila Wild Rift ay sila pa rin ang matibay na Support-ADC tandem.
Rose Ann Marie R. Robles
IGN: Hell Girl
Role: Baron Laner
Edad: 21
Siyudad/Probinsya: Muntinlupa
Tulad nila Rayray at Yugen, LoL PC rin ang kinagisnan ni Hell Girl pagdating sa MOBA at sa katunayan ay naging magkakampi pa nga sila ni Rayray noon. Bago pumasok sa Wild Rift, nagbatak muna siya sa ibang mobile MOBA na Marvel Super War at naging miyembro ng AEG Dahlia na nagkakampeon sa mga naunang torneo.
Bagamat ‘di natanggap sa tryout ng NXP dahil na rin baron laner pa noon si Rayray, kalaunan ay naging miyembro rin siya ng koponan matapos siyang ayaing sumali noong magkaroon ng bakante.
April Mae Valiente
IGN: Aeae
Role: Jungler
Edad: 18
Siyudad/Probinsya: San Mateo, Rizal
Tinatawag na super rookie ng koponan, nakapasok si Aeae sa GrindSky Eris sa pamamagitan ng tryout matapos umalis pansamantala ang kanilang jungler na si Angel Danica “Angelailaila” Lozada. Naikwento ni Aeae na 30fps lang ang cellphone na gamit niya noon at walang kuryente sa kanilang bahay pero nagawa pa rin niyang makapasok. Nagga-grind siya tuwing gabi hanggang madaling araw pagkatapos ng kanyang school duties.
Dating casual player lang ng LoL PC at Wild Rift si Aeae at baguhan pa sa pro scene pero handa na agad siyang irepresenta ang Pinas sa SEA Games bilang miyembro ng Sibol Wild Rift women’s team.
Angel Danica Q. Lozada
IGN: Angelailaila
Role: Jungler (substitute)
Edad: 20
Siyudad/Probinsya: Iloilo City
Isa si Angelailaila sa pioneer members ng Nexplay Tempest kasama sila Rayray, Yugen at Jeeya, at kalaunan si Hell Girl. Nagsimula siya sa paglalaro ng LoL PC at FPS games tulad ng CrossFire. Naging kakampi niya si Hell Girl sa Marvel Super War at sumunod sa AEG Dahlia bago makuha sa tryout ng NXP. Isang linggo matapos nilang lumipat sa GrindSky, kinailangan niyang umuwi sa Iloilo dahil sa personal na problema ngunit nangailangan ang Sibol ng substitute player at agad niya naman pinaunlakan ang tawag ng national esports squad.
Ibinahagi rin ni Angelailaila na isa siyang varsity ng Rizal Technological University sa isport na arnis at pangarap niyang makapasok sa Philippine national team. Hindi niya sukat akalain na ang Sibol Wild Rift women’s team pala ang magiging daan niya patungo sa pagkamit nito.
Handa nang sumabak ang Sibol Wild Rift women’s team sa 31st SEA Games
Inihayag ng mga manlalaro ng Sibol Wild Rift women’s team na handa na silang makipaglaban sa apat na koponang makakaharap nila sa 31st SEA Games at tiwala sila na makakapag-uwi sila ng gintong medalya sa Pilipinas. Nagpasalamat din sila sa kanilang fans at pamilya na patuloy na sumusuporta sa kanila.
Sinabi naman ni Coach Recmeister na ginawa nila ang lahat ng kanilang makakaya upang makapaghanda at susubukan nilang masunggaban ang kampeonato sa SEA Games.
“Rest assured na hindi kami nagpabaya. Ginagawa namin ‘yung best namin hanggang ngayon. And ita-try namin i-meet ‘yung expectations ninyo. Iuuwi natin ‘yung gold. ‘Yung first Wild Rift event sa SEA Games, dapat sa Pilipino ‘yan,” wika niya.
Para sa mga istorya patungkol sa Sibol, maaari niyong i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.