Opisyal nang pinakawalan ng T1 ang kanilang Dota 2 roster mahigit isang buwan matapos kapusing makapasok sa The International 11 (TI11) at ilang linggo matapos ang pag-alis ng ilang miyembro.

“Today, we decided to disband our Dota 2 roster,” saad ng South Korean organization sa kanilang anunsyo sa social media sabay nagbigay ng pasasalamat sa mga manlalaro para sa kanilang serbisyo sa koponan.

Nauna nang lumisan si South Korean coach Park “March” Tae-won tatlong linggo na ang nakakalipas habang sina Pinoy captain-offlaner Carlo “Kuku” Palad at Indonesian support Kenny “Xepher” Deo ay nagpahayag ng kanilang interes na maghanap ng oportunidad bilang mga free agent.

T1 Kuku sa TI10
Credit: Valve

Nangangahulugan din na free agents na ang dating OG star players na sina Anathan “ana” Pham at Topias “Topson” Taavitsainen, na nagsilbing stand-in midlaner ng T1 para sa TI11 Southeast Asia Regional Qualifier at Last Chance Qualifier.

Matagal nang gusto ni Topson na bumalik sa Europe upang ipagpatuloy ang kanyang karera. Samantala, hindi naman nakakagulat kung magbalik na naman sa retirement si ana.

Maging si Indonesian hard support Matthew “Whitemon” Filemon ay isang free agent na rin. Wala pang opisyal na mga anunsyo kung saang koponan mapupunta ang mga players para sa darating na Dota Pro Circuit (DPC) 2023 season.


Kanino mapupunta ang DPC slot ng T1?

Credit: Bleed eSports

Matapos ang opisyal na anunsyo ng T1, posibleng lisanin na ng organisasyon ang Dota 2 esports scene. Bagamat wala pang konkretong pahayag tungkol dito, makikita sa social media graphic ng koponan ang “2019-2022”, na maaaring pinapahiwatig ang pagtatapos ng kanilang kampanya sa naturang laro.

Ayon naman sa mga source ng ONE Esports, malaki ang posibilidad na kunin ng Singaporean organization na Bleed eSports ang DPC SEA slot ng T1. Sa katunayan, kumuha na sila ng Dota 2 team scout kamakailan.

Credit: Bleed eSports

Sa ngayon, sa Valorant pa lang sumasabak ang Bleed eSports. Pero sa mga susunod na araw ay maaaring ilabas na rin nila ang kanilang Dota 2 squad.

Para sa mga balita patungkol sa Dota 2, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.


Base ito sa akda ni Dexter Tan Guan Hao ng ONE Esports.


BASAHIN: Gabbi at kpii kukunin ng Fnatic para kumpletuhin ang kanilang Dota 2 roster, sabi ng source