May paalala si Carlo “Kuku” Palad sa mga esports fans na nagkukumpara sa mga tournament prize pool ng Dota 2 at Mobile Legends: Bang Bang, dalawa sa pinakakilalang esports titles sa Pilipinas.
Kamakailan ay nababanggit ang pangalan ng beteranong Dota 2 player sa komunidad ng MLBB nang pumutok ang balitang tapos na ang mutual contract niya sa ilalim ng T1. Nang may mag-suggest sa kanyang i-try ang MLBB, nag-comment naman si Kuku ng “NXPE.Kuku^Jungler.”
Nagpatuloy ang usapan tungkol sa mga susunod niyang hakbang sa isang livestream. Dito, sinagot din ng dekoradong manlalaro ang isang pahayag ng fan patungkol sa pagkukumpara ng prize pools ng Dota 2 at MLBB.
Ang paalala ni Kuku sa mga nagkukumpara ng prize pool ng Dota 2 at MLBB
Kilala ang mga turneo ng Dota 2 bilang ang pinakamalaki sa buong mundo sa aspeto ng prize pool, partikular na ang The International. Kasalukuyan nitong hawak ang record sa pinakamalaking single-tournament prize pool. Naganap ito noong The International 2021, matapos pumalo sa US$40,018,195, o mahigit ₱2 bilyon, ang premyong ipinamimigay.
Samantala, pumapatak naman sa US$75,000, o ₱4 milyon, ang prize pool sa playoffs ng MLBB Professional League Philippines Season 10 (MPL PH S10). Bukod pa ito sa US$170 (₱9,800+) match allowance na natatanggap ng koponan kada laban at US$900 (₱52,000+) na match prize pool tuwing regular season.
Kaya’t nang may mag bukas ng usapan tungkol dito sa kanyang stream, iginiit ni Kuku na may mas malaking dahilan sa pagiging professional player kesa sa limpak-limpak na salaping makukuha dito.
“‘Di naman kasi sa prize ‘yung tinitignan boss. Most likely pag tournament is karangalan lang talaga na isa ka sa mga the best na naglalaro para sa game na ‘to,” saad niya.
‘Di rin naman daw masama kung isang bagay ang pera sa mga nagmo-motivate sa mga manlalaro, pero para sa mga pera lang ang tingin, ito ang masasabi ni Kuku sa inyo:
“Passion ‘yan eh—’pag nakatingin ka sa pera medyo mabilis kang mawawala pero kung yun yung nagmo-motivate sayo, baka goods lang din. So yung sa ML kahit maliit yung prize, karangalan ‘yun guys, ‘di lang siya dahil sa pera.”
Sa ngayon, kaliwa’t-kanang parangal na ang nauwi ng mga Filipino MLBB players para sa bansa. Dalawang beses nang nagmula sa Pilipinas ang kampeon sa M-series World Championship, ang pinakamalaking tournament ng MLBB, habang tatlong koponan naman na ang nakapag-uwi ng kampeonato mula sa MLBB Southeast Asia Cup, ang regional tournament ng laro.
Dalawang gintong medalya na rin ang naselyo ng mga atletang Pinoy sa MLBB matapos pangibabawan ng SIBOL ang dalawang magkasunod na Southeast Asian Games. Nakatakda na rin ang pagdepensa ng Blacklist International sa kanilang world championship title sa M4, na idaraos sa Indonesia simula ika-isa ng Enero.
Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.
BASAHIN: Kumpletong roster ng mga maglalarong teams sa MPLI 2022