Agad ipinakita nila star carry Anathan “ana” Pham at T1 kung bakit sila ang pinakahina-hype na koponan sa The International 11 (TI11) Southeast Asia Qualifier.
Sa debut nila two-time TI champions ana at Topias “Topson” Taavitsainen, winalis ng T1 ang Execration sa iskor na 2-0 upang makaabante sa upper bracket semifinals ng madugong qualifying tournament patungo sa pinakamalaking Dota 2 event ngayong taon.
Sa unang laro ng serye, ipinamalas ng 22-year-old position-1 player na nagbabalik na ang kanyang bangis sa pamamagitan ng isang malahalimaw na laro gamit ang bibihirang carry Marci pick.
ana binalugbog ang Execration gamit ang carry Marci
Kita agad sa Game 1 draft ng T1 ang versatility ng kanilang bagong lineup. Maliban kasi sa Chen na laging nilalagay sa hard support role, kumuha ang koponan ng Marci, Primal Beast, Nature’s Prophet at Morphling na pwedeng pagpalit-palitin. Sa huli ay napunta ang Marci sa kamay ni ana, na bagay para sa kanya dahil pareho silang itinuturing na baby-faced killer.
Kasama si Matthew “Whitemon” Filemon (Chen), dinomina ng dating OG star ang katapat na Death Prophet at Tiny sa lane. Maaga niya ring nabasag ang unang tore katulong si Carlo “Kuku” Palad (Nature’s Prophet) at pinangunahan ang tagumpay ng T1 sa unang team fight na naganap sa mid.
Nang makuha na ang kanyang Black King Bar, walang takot niyang pinasok at pinagsusuntok ang mga miyembro ng Execration habang naka-Unleash (ultimate) hanggang sa maitala ang triple kill sa clash sa 20th minute.
Mula dito ay nagtuloy-tuloy na ang pag-arangkada ng T1 sa likod ng carry Marci ni ana. Walang nagawa ang Execration laban sa TI winner lalo na nang makakuha ito ng Skull Basher at Aghanim’s Scepter na lalong nagpalakas sa Unleash.
Sa panapos na clash, nakipagsanib-pwersa siya kay Topson (Morphling) at walang habas nilang pinasok ang Execration sa loob mismo ng kanilang base upang ipako ang 33-8 na pandudurog sa loob ng 30 minuto.
Kumana si ana ng 16 kills at 10 assists kontra sa isang death lamang. Pinakawalan niya rin ang pinakamataas na hero damage na umabot sa 26.1K.
Morphling naman ang gamit ng Australian player sa Game 2 kung saan sinubukan ng Execration na itabla ang serye sa pamamagitan ng pakikipag-base race ni Justine “Tino” Grimaldo (Lycan). Pero sa dulo ng 51 minutong laro ay nanaig pa rin ang T1.
Sunod na haharapin ng T1 ang RSG sa Huwebes ng tanghali. Bumagsak naman ang Execration sa lower bracket round 2 kung saan makakalaban nila ang Summit Gaming bukas ng gabi.
Para sa mga balita patungkol sa mga balita at guides patungkol sa Dota 2, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.