Pinagpatuloy ng BOOM Esports ang kanilang fairy tale run sa The International 11 (TI11) matapos itala ang pinakamalaking upset sa torneo sa ngayon.
Nanaig ang pambato ng Southeast Asia sa do-or-die lower bracket first round kontra sa defending TI10 champion na Team Spirit. Isang statement win ito para kila Timothy “Tims” Randrup at kanyang tropa, na minsang tinawag na “mediocre” ni Spirit carry Illya “Yatoro” Mulyarchuk sa isang interview sa Escorenews.
Ito na ang ikatlong pagkakataon na nakaligtas sa TI11 ang Indonesia-based team na tinatampok ang apat na Pinoy pro players. Dala ang 1.42% tsansa na makapasok sa playoffs, pinaluhod ng BOOM ang Evil Geniuses sa Group A sabay pinangibabawan ang tiebreaker laban sa Soniqs at BetBoom Team.
Wagi ang BOOM Esports kontra Team Spirit sa TI11 playoffs
Handang-handa ang BOOM Esports papasok sa inaabangang salpukan laban sa Team Spirit. Tinanggal nila coach Chai “Mushi” Yee Fung ang halos lahat ng heroes ni star offlaner Magomed “Collapse” Khalilov.
Nagsilbi namang deny pick ang Mars para kay midlaner Erin Jasper “Yopaj” Ferrer at Beastmaster para kay Saieful “Fbz” Ilham kaya napilitang ang Spirit na kumuha ng offlane Outworld Destroyer pamares sa Lifestealer ni Yatoro. Pangontra rin ito sa posibleng Glimplse counterplays mula sa Disruptor ni Andrei “Skem” Ong.
Angat sa simula ang Spirit matapos manalo sa top lane ng Lifestealer habang tabla naman ang tapatan sa ibang lanes. Sa unang malaking team fight ng laro, ipinakita ng Spirit kung gaano kalakas ang LS at OD picks nila sa pamamagitan ng pagtakas sa gank ng BOOM. Pinalubog ni Collapse ang kanyang carry gamit ang Astral Imprisonment, habang nabigyan naman ni Yatoro ang offlaner ng karagdagang HP gamit ang Infest ultimate.
Matapos matalo sa clash sa bottom lane, mas maingat na naglaro ang BOOM Esports at pumapalag lang sila kapag magkakasama. Nagbunga naman ang kanilang pasya dahil hindi kinaya ng Spirit ang ultimates at mismong lineup ng SEA squad pagdating sa mga clash.
Patuloy na ipinamalas ng BOOM Esports ang matinding disiplina sa kanilang galawan. Hindi sila napupunta sa mga pangit na posisyon o pumapasok sa dehadong team fights. Kaya naman nakaipon sila ng malaking kalamangan na ginamit nila para makontrol ang mapa at tuluyang basagin ang Dire ancient ng Team Spirit matapos ang 40 minutong bakbakan.
Sa tulong ng proteksyon mula sa kanyang mga kakampi, nakatikada ng perpektong 9-0-5 KDA si carry Souliya “JaCkky” Khoomphetsavong sa Shadow Fiend. Bumitaw din siya ng 22.3K hero damage at 21.5K building damage.
Nasiguro ng BOOM Esports ang 9th-12th finish sa TI11 na may kaakibat na at least US$339,282 o halos PHP20 milyon na premyo. Sunod nilang haharapin ang TI10 runner-up na PSG.LGD sa lower bracket round 2 bukas sa ganap na ika-7 ng gabi.
Para sa mga balita patungkol sa TI11, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.
Hango ito sa artikulo ni Nigel “Zim947” Zalamea ng ONE Esports.