Kung sinusubaybayan mo ang The International, ang taunang world championship ng Dota 2, nagtataka ka siguro kung bakit usap-usapan ng fans ang pagpapakalbo ng mga manlalaro.
Dahil ito sa malalim na koneksyon ng pagpapakalabo sa pagkamit ng panalo sa The International. Itinulak ng kapangyarihan ng bagong ahit na ulo ang mga koponan patungo sa mga bagong tagumpay at nakatulong sa pagbasag ng halos imposibleng odds. Gumawa na ng mahika ang “kalbuff” na ito ay sa gumugulong na TI11.
Para malaman kung paano nga ba nagsimula ang kakaibang trend na ‘to, dapat muna nating tignan ang tao na nagpasimula ng lahat ng ‘to.
Paano nagsimula ang pagpapakalbo sa The International at paano nito naaapektuhan ang resulta ng mga laban
Bago makoronahang kampeon ang Team Spirit sa TI10 kung saan nag-uwi sila ng mahigit US$18 milyon, gumawa ng kakaibang alay sa Dota 2 gods si Illya “Yatoro” Mulyarchuk. Nagpakalbo ang carry player bago sumabak ang Spirit sa isang lower bracket series laban sa kapwa Eastern European squad na Virtus.pro.
Kung pagbabasehan ang kasaysayan, dehadong-dehado ang Spirit sa VP. Natalo sila sa 29 mula sa 30 na laro kontra sa kanilang CIS rivals. Nagbunga naman ang sakripisyo ni Yatoro dahil napatumba ng Spirit ang VP sa iskor na 2-1 sa lower bracket quarterfinals.
Matapos ang malupit na performance ni Yatoro kung saan nagtala siya ng 30/12/27 KDA sa serye, kinumpirma niya sa isang panayam sa Russian broadcast na binago niya ang kanyang hairstyle (o tinanggal ito) upang tumaas ang tsansa ng kanyang koponan na manalo.
“I shaved my head as a sacrifice to the god of Dota,” saad niya. Dito na nagsimula ang ang ritwal ng pagpapakalbo bago ang malalaking laban sa The International.
Ngayon taon sa The International 11, dalawang manlalaro ang pinagpala dahil sa pagpapakalbo. Nag-shave ng ulo si Jose “PandaMoo” Hernandez ng Thunder Awaken bago nila pabagsakin ang TI11 favorites na Evil Geniuses sa iskor na 2-0 sa upper bracket quarterfinals.
Dahil sa panalo, nagkaroon ang South America ng top 6 finisher sa unang pagkakataon sa kasaysayan ng The International.
Samantala, ginawa rin ni BOOM Esports hard support Rolen Andrei “skem” Ong ang naturang ritwal. Hawak ang 1.42% na makapasok sa TI11 playoffs, pinaluhod ng pambato ng SEA ang Group A top seed na Evil Geniuses bago pauwiin ang Soniqs at BetBoom Team sa tiebreaker.
Sunod na biniktima ng BOOM ang TI10 champs na Team Spirit sa do-or-die lower bracket first round. Tama, mismong ang taong nagpasimula ng trend ay ‘di kinaya ang kapangyarihan nito.
Si Evil Geniuses carry Artour “Arteezy” Babaev naman ang pinakabagong pro na nagpakalbo para panatilihing buhay ang kanyang koponan sa TI11. Sa kasamaang palad, hindi tumalab ang ginawa ng North American superstar.
Ang kalaban kasi nila sa lower bracket round 2 na beastcoast ay may sariling “kalbuff”. Nagpakalbo rin ang kanilang coach na si Thomas Jaulis “Valqui” Romero bago ang kanilang elimination match at tila mas malakas ito.
Na-outdraft ng beastcoast ang EG sa parehong laro at umabante sa LB quarterfinals ang kinatawan ng SA matapos kumana ng malinis na 2-0 sweep.
Listahan ng mga nagpakalbo sa The International 11
- Jose “PandaMoo” Hernandez ng Thunder Awaken
- Andrei Rolen “skem” Ong ng BOOM Esports
- Artour “Arteezy” Babaev ng Evil Geniuses
- Thomas Jaulis “Valqui” Romero ng beastcoast (coach)
- Eduardo “Raykill” Nuñez ng beastcoast (assistant coach)
At dahil gumugulong pa rin ang TI11, hindi na dapat masorpresa ang Dota 2 fans kapag nakakita sila ng mas marami pang pros na gagawin ang ritwal.
Para sa mga balita patungkol sa TI11, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.
Hango ito sa artikulo ni Nigel “Zim947” Zalamea ng ONE Esports.
BASAHIN: Naririnig ang bawat smoke, bawat rune sa TI11 playoffs, ayon kay GG dyrachyo