Ang Chilean squad na Leviatan ang unang koponan na kapasok sa playoffs ng Valorant Champions 2022 matapos kumana ng 2-0 sweep laban sa Masters Copenhagen runner-up na Paper Rex sa Group A.
Mukhang handang-handa ang Leviatan sa agresyon ng Paper Rex na gumulantang sa ilang koponan. Hinayaan pa nga nilang makalusot sa map veto ang Bind, isa sa pinakamalakas na mapa ng APAC champs.
Maalala sa serye ang naganap na grand final sa Masters Copenhagen kung saan nagsagawa ang FunPlus Phoenix ng mabagal at maingat na atake sa pamamagitan ng pag-hold sa mga push ng PRX na alam nilang paparating.
Sa post-match interview, ibinahagi ni Fancisco “kiNgg” aravena kung paano nila inaral ang laro ng Southeast Asian team sa Bind at kung paano nila eksaktong kinontra ito.
Lumayag ang Leviatan mula sa group stage patungong playoffs ng Valorant Champions 2022
Isang clash of opposites ang namataan sa naturang match-up. Base sa data mula sa Masters Copenhagen, ang Leviatan ang koponan na may pinakamatagal na oras sa pagkuha ng first skill (35 segundo) habang ang Paper Rex naman ang pinakamabilis (20 segundo), ayon kay Bleed Esports analyst Sushant “Ominous” Jha.
Gayunpaman, alam ng koponan kung paano mag-adapt. “We studied their Bind extensively,” wika ni kiNgg. “We knew their defense is really aggressive. They are the most aggressive team in the tournament. They basically attack on defense.”
“There was a lot of anti-stratting. That’s why we were playing so slow as attackers. We were waiting for [them to make their move].”
Dominante ang PRX sa Bind sa Copenhagen kung saan ‘di sigurado ang mga koponan kung paano kontrahin ang unconventional Yoru pick ni Jason “f0rsakeN” Susanto.
Subalit iba ang istorya laban sa Leviatan. Bawat miyembro sa koponan ay on-point. Kahit na liyamado ang PRX, nagagawan ng Chilean squad na manakaw ang round kabilang na dito ang 1v3 clutch ni Vicente “Tacolilla” Compagnon para tapusin ang first half sa 6-6.
Tabla ang score sa 11-11, nagbunga ang slow play ng Leviatan. Nag-abang si Marco “Melser” Amaro sa A short at pinatumba sina f0rsakeN at Aaron “mindfreak” Leonhart na nag-push matapos magparamdam ng Leviatan sa B Long.
Pumasok ang South American team sa Valorant Champions 2022 bilang isa sa mga dark horse ng torneo, dala na rin ng kanilang respetadong joint-5th place finish sa Copenhagen at magandang laro kontra sa Fnatic.
Pinangungunahan ang LEV ni coach Rodrigo “Onur” Dalmagro, na tinulungan ang KRU Esports na makuha ang 4th place sa Champions 2021–ang pinakamataas na placing para sa isang South American team.
Kung ipagpapatuloy ng Leviatan ang kanilang performance sa group stage, ‘di malayong makagawa na naman ng kasaysayan ang isang koponan mula sa South America.
I-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa Valorant news, guides at highlights.
Hango ito sa artikulo ni Wanzi Koh ng ONE Esports.