Daig nga ba ng youth ang experience? Ang esports ay puno ng mga kabataang may nakakagulat na mechanical skill at reaction times, habang ang mga ranked lobbies naman ay dinodomina ng prodigies na tila nakatadhanang sumikat pagdating ng araw.
Ang 14-year-old na si Darxcio ang pinakabagong halimbawa ng isang rising star na gumawa ng pangalan para sa kanyang sarili sa Valorant ranked.
Sa kabila ng kanyang murang edad, naabot niya ang number one spot sa global Valorant leaderboard noong January 26, ayon sa tracker.gg, at dinaig ang mga pros na kabuhayan na ang paglalaro.
Young prodigy na si Draxcio nakaabot sa Radiant sa edad na 11
Inaayos ng Valorant ang Immortal at Radiant leaderboard rankings nito ayon sa rehiyon at hindi pinapayagan ang mga manlalaro na makita ang global ranking.
Gayunpaman, ang mga third-party na website tulad ng tracker.gg ay nagtatampok ng pinagsama-samang mga global leaderboards, upang makita ng mga players kung ano ang posisyon nila kumpara sa ibang mga rehiyon.
Sa oras ng pagsulat, si Darxcio ay bumaba na mula sa unang puwesto hanggang ikasampu sa buong mundo, ngunit nananatili siya sa ikaapat na puwesto sa Europe. Naabot ng bata ang Radiant sa murang edad na 11 taong gulang lamang, ayon sa kanyang Twitter bio, at tila siya ay mas lalo pang gumagaling.
Si Darxcio ay kasalukuyang mayroong 108 wins sa Episode 6 Act I, kasama ang 1.06 K/D ratio at 53.2% win rate. Madalasa siyang gumamit ng Jett, Raze, at Killjoy, ngunit gumugol ng makabuluhang oras sa ibang mga agents tulad nina Fade, Sage, at Phoenix.
Sinabi ng 14-year-old na pangarap niyang maging pro sa Valorant, ngunit malamang ay maghintay muna siya hanggang sa tumanda siya ng kaunti. Ang minimum na edad para sa kasalukuyang Valorant Challengers ay 16, habang ang mga VCT-partnered teams ay nangangailangan na ang kanilang mga players ay hindi bababa sa 18.
Pansamantala, maaari natin siyang mapanood nang live sa Twitch, kung saan meron na siyang 25,000 followers.
Para sa iba pang balita tungkol sa gaming at esports, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.