Inanunsyo kamakailan sa opisyal na Facebook page ng REV Major Philippines na dadalo at maglalaro sa REV Major 2022 ang Korean pro player na si Bae “Knee” Jae-Min.
Ang REV ay ang pinakamalaking fighting game event sa bansa na kinatatampukan ng iba’t ibang fighting game tournaments na sinasalihan ng mga players mula sa iba’t ibang panig ng mundo.
Knee sa mga nagdaang na REV Major events
Ang REV Major ng taong ito ang ikatlong REV event na mapupuntahan ng Tekken legend. Ang una ay noong 2017 kung saan nakaharap niya sa Grand Finals ang kanyang long-time rival na si Hyunjin “JDCR” Kim. Dito rin naganap ang kanilang makasaysayang handshake, bagay na hindi nila ginagawa at naging hudyat ng pagtatapos ng matagal na nilang alitan.
Noong 2018 naman ay nataon na may malakas na bagyong nananalanta sa bansa kung kaya’t maraming international players, kabilang dito ang Korean pro, ang hindi tumuloy sa paglipad papuntang Pilipinas.
Naging kontrobersyal naman ang REV Major 2019 dahil sa pagkaka-disqualify ng Korean pro player sa isa sa kanyang mga matches na nagbaba sa kanya sa Losers Bracket. Marami ang nagtaka sa desisyong ito, ngunit paliwanag ng mga tournament marshals ay hindi dumating si ang Korean sa takdang oras ng kanyang match.
Ayon sa paliwanag ng mga nakasaksi, nagpunta sa restroom ang Tekken legend at natagalan ito sa pagbalik sa tournament area dahil sa mga fans na nakipag-usap, nanghingi ng autograph, at nagpa-picture.
Marami ang nadismaya sa nangyari at sinisi ang mga fans, ngunit pinagtanggol naman sila ng Tekken icon at sinabing wala siyang pakielam sa tournament dahil meron na siyang sapat na points upang makapasok sa Tekken World Tour Finals noong taon na ‘yon. Lumalabas na mas importante sa kanya sa mga oras na iyon ang makahalubilo at mapagbigyan ang kanyang mga tagahanga at tagasuporta.
Bukod kay Knee ay marami pang international Tekken players ang inaasahang lalahok sa REV Major 2022 na gaganapin sa September 17 hanggang 18 sa SMX Convention Center.
Para sa iba pang balita tungkol sa gaming at esports, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.