Sa muling pagbabalik ng pinakamalaking fighting game event sa buong mundo na Evolution Championship Series 2022 (EVO 2022), ay muli ring nagbabalik sa pwesto ang tinaguriang greatest Tekken player of all time na si Bae “Knee” Jae-Min.
Marami ang tumutok sa pagtatapos ng Tekken 7 tournament na sinalihan ng 1,218 players mula sa iba’t ibang sulok ng mundo, isa sa mga pinakamalaking events na inaabangan sa EVO 2022.
Marami ang umaasa sa runback sa pagitan nina Knee at ng Pakistani player na si Arslan “Arslan Ash” Siddique, matapos talunin ni Arslan ang Korean Tekken god noong EVO 2019 finals. Sa kasamaang palad para kay Arslan ay maaga itong napababa sa losers bracket ni Marquis “Shadow” Jordan, at tuluyan nang napatalsik sa tournament nang makaharap niya ang kanyang kapwa FATE eSports player na si Khan sa Losers Finals 3-1.
Knee vs Khan sa Grand Finals
Matapos talunin ang kanyang teammate na si Arslan, muling hinarap ni Khan si Knee sa Grand Finals kung umaasa siyang makabawi sa pagkatalong natanggap sa Winners Finals.
Kita ang kumpyansa sa laro ng Korean player sa pagdidikta niya ng tempo ng laro, na nagawa niya sa pamamagitan ng matinding depensa at konserbatibong poking game ng kanyang Feng. Sa pag-iwas niyang sumugal ng mga heavily punishable moves ay nahirapan ang Pakistani na makasingit ng mabibigat na combos, bagay na kinakailangan ng isang Geese player upang maging epektibo.
Mahabang pasensya ang naging sandata ni Knee sa kanilang laban ni Khan. Sa huling 10 segundo ng huling match nakita ng lahat ang matinding depensa ni ng Tekken god, hinayaan niyang maghabol ang kalaban hanggang sa maubos ang oras at resources nito. Nagtapos ang series sa score na 3-1 at tinanghal na kampeon si Knee.
Sa kabilang ng pagkilala ng marami bilang greatest Tekken player of all time, ito pa lang ang unang beses na nanalo si Knee sa EVO mula nang lumabas ang Tekken 7 noong 2015. Huli siyang nanalo noong EVO 2013 sa Tekken Tag Tournament 2, at noong 2018 naman sa EVO Japan.
Mapapanood ang buong Top 8 dito:
Para sa iba pang balita tungkol sa gaming at esports, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.