Matapos ang mahabang pakikipaglaban sa unang araw ng pinakamalaking fighting game event ng bansa, nakumpleto na rin sa wakas ang Top 8 bracket ng Tekken 7 tournament sa REV Major 2022.
Tulad ng dati, marami sa ating mga kababayan ang ang dumalo upang ipamalas ang kanilang husay laban sa maraming players mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Ngunit sa huli, tanging si Alexandre “AK” Laverez ng PlayBook Esports lamang ang kaisa-isang Pinoy na naiwan as Top 8 bracket ng tournament.
PBE AK maagang bumaba sa losers bracket ng REV Major 2022
Hindi naging madali ang tournament run ni AK lalo’t maaga siyang bumaba sa losers bracket matapos siyang talunin ng kapwa Filipino na si Levi “Levi” Liwag ng Team Derp sa ikatlong round ng kanilang pool.
Muling nagharap ang dalawang players sa losers bracket sa isang qualifying match para sa Top 32. Sa pagkakataong ito, ang husay ni PBE AK naman ang nangibabaw, na ikinalaglag ni Levi mula sa tournament.
Sunod-sunod ang naging panalo ni AK sa Top 32 bracket, kung saan tinalo niya ang ilan sa mga kilalang pro mula sa iba’t ibang bansa, Nakaharap niya sina Gen at Pinya ng Japan, Rohit Jain ng India, at Kkokkoma ng South Korea.
Susunod na makakaharap ni AK si Atif Butt ng Pakistan sa losers side ng Top 8 bracket mamaya, September 18, 6 p.m. GMT+8. Mapapanood ang mga matches nang live sa opisyal na Twitch channel ng Tekken at Facebook page ng REV Major Philippines.
Para sa iba pang balita tungkol sa gaming at esports, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.