Nakuha ni PBE AK ang kampeonato ng Intercontinental Fight Club (ICFC) Asia Tekken Season 4 Week 9.
Sa huling linggo ng ICFC Asia Season 4, tianghal na kampeon si Alexandre “AK” Laverez ng PlayBook Esports. Ito ang huling pagkakataon ng mga players upang makakuha ng puntos para makapasok sa season finals.
Tinawid ni PBE AK ang pools nang walang talo, kung saan nakaharap nya ang Season 2 champion na si Yoshiharu “Kuzin” Tsutsui. Tinalo ni AK si Kuzin sa score na 2-1 upang makapasok sa winners side ng Top 8.
Sa unang round ng Top 8, nakaharap naman ng pambato ng PlayBook Esports ang Japanese player at streamer na si Yuu “Halu” Tokiwa, na kanyang ipinadala sa losers bracket matapos ang kanilang laban na may score na 2-1.
PBE AK vs Omega Jules sa Winners Finals
Isang 2D character battle ang naganap sa pagitan nina PBE AK at Juliano “Jules” Lozano ng Omega Esports, kung saan tinapatan ng Geese ni Jules ang Akuma ni AK.
Sa huling round ng Game 5 ng best-of-five series ay napatama ni AK ang Raging Demon, subalit hindi ito naging sapat upang tapusin si Jules. Bilang ganti ay nagbato si ang Omega Tekken player ng isang command throw na sa kasamaang palad ay hindi na-break ni AK, at tuluyang naglaglag sa kanya patungong losers bracket.
PBE AK vs Kuzin sa Losers Finals
Sa ikalawang pagkakataon sa tournament na ito ay muling nakaharap ni PBE AK si Kuzin. Marami ang nagulat sa desisyon ni AK na gumamit ng Devil Jin, isang character na hindi nya madalas ginagamit sa tournament, tinapatan naman ito ni Kuzin ng isa pang Mishima, si Heihachi.
Malinis ang pagkakagamit ni AK ng Devil Jin. At sa Round 4 ng Game 5, sa pamamagitan ng isang Electric Wind God Fist combo ay tinapos nya ang tournament run ni Kuzin upang muling harapin si Jules sa Grand Finals.
PBE AK vs Omega Jules sa Grand Finals
Pagkatapos ng isang linggo ay muling naghaharap ang dalawang pambato ng Pinas sa Grand Finals ng ICFC Asia, ngunit sa pagkakataong ito ay si Jules naman ang may twice-to-beat-advantage.
Sa ikalimang game ng finals ay napatamaan ni AK ng Sotensho (WS+2) combo ang Feng ni Jules na naging dahilan ng bracket reset.
Nagpatuloy sa paggamit ng Akuma at nauwi rin sa paggamit ng Geese si Jules, na tila pagpapatuloy ng 2D character battle na naganap noong Winners Finals.
Isa sa mga highlights ng set ay ang clutch Raging Demon ni AK sa Round 3 ng huling game. Nang may limang segundo na lamang ang natitira sa round, nag-trade ang Ashibarai (d+4) ni AK at Reppuu Ken ni Jules, pagtumba ni Jules ay pinakawalan ng PBE ang Rage Art, saktong tumama ito sa kababangon lang na Omega.
Sa mga huling sandal ng huling round ay ginamit ni AK ang natitira nyang metro para sa isang EX Zanku Hadoken, na naging daan upang mapakabit nya ang Hyakkigosai (Demon Flip Throw) at tapusin ang Grand Finals sa score na 3-0.
Kasalukuyan pa ring nasa ikatlong pwesto ng leaderboard si AK. Maglalaro sya sa ICFC Asia Tekken Season 4 Finals na gaganapin sa November 25, 7 p.m. GMT+8.
Mapapanood ang mga laban sa official Twitch channel ng ICFC Asia.