Wagi sa katatapos lang na Sibol IESF Tekken 7 Qualifier ang pambato ng PlayBook Esports na si Andreij “Doujin” Albar, at tatayong kinatawan ng Pilipinas sa 14th World Esports Championships na gaganapin sa Bali, Indonesia sa December.

Ito ang ikatlong beses na bibitbitin ni Doujin ang bandera ng bansa sa World Esports Championships, kung saan hinirang siyang kampeon noong 2017.

Matapos itaas ang watawat ng Pinas bilang bronze medalit sa 30th Southeast Asian Games noong 2019, muling haharap si Albar sa buong mundo suot ang mga kulay ng bansa.

Doujin vs Hapon sa grand finals

Doujin Hapon 14th IESF World Esports Championship PH Qualifier
Credit: Sibol
Screenshot by Ron Muyot/ONE Esports

Nakaharap ng SEA Games medalis sa grand finals ang dating pro player na si Michael “Hapon” Magbanua. Gamit ang kanyang Anna Williams, pinaulanan ng SEA Games bronze medalist ang Geese ni Hapon ng katakot-takot na low pokes upang makuha ang dalawang unang games ng series.

Sa ikatlong game ay inilabas ni Hapon ang kanyang Leroy para tapatan ang opensa ng Anna ng 23-anyos na pro player. Nagwagi ang Leroy sa isang no-round-brown upang makuha ang kanyang unang puntos.

Ipinagpatuloy ng PlayBook Esports character specialist ang kanyang poke-heavy playstyle sa Game 4. Sa ikaapat na round ay nahuli niya si Hapon sa isang full-crouch mix up na nagresulta sa isang Rising Palm combo, upang tuluyang tapusin ang series sa score na 3-1 at tanghaling kinatawan ng national esports team na Sibol para sa World Esports Championships.

Kasalukuyang nasa California si Doujin bilang paghahanda para sa isa pang Tekken tournament sa EVO 2022 na gaganapin sa Las Vegas mula August 5 hanggang 7.

Para sa iba pang balita tungkol sa gaming at esports, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.