Kinuha ni PBE Doujin ang korona sa katatapos lang na Road to REV Major tournament na ginanap sa SM City Pampanga nitong nakaraang Sabado.
Isang matinding comeback ang ipinakita ng isa sa mga Tekken prodigies ng PlayBook Esports na si Andreij “Doujin” Albar matapos itong mapabagsak sa losers bracket ng kanyang teammate na si Alexandre “AK Laverez sa Winners Finals ng tournament.
Doujin vs AK sa Grand Finals ng Road to REV Major Pampanga
Matapos talunin ang Lidia ni Jean Cyrus “Zask” Villapaña sa Losers Finals 3-1, muling hinarap ni Mokudoujin ang teammate sa Grand Finals para sa isang runback.
Gamit ang kanyang Lucky Chloe, nagawa ng SEA Games bronze medalist na masolusyunan ang Zafina ni AK upang ma-reset ang bracket sa score na 3-1.
Ngunit hindi agad sumuko si AK sa paggamit ng Imperial Tomb Defender, muli niyang sinubok ang husay ng kanyang Zafina laban sa kapwa PBE pagkatapos ng bracket reset. Ngunit matapos matalo sa unang game, nagpalit na ng character si AK at inilabas ang kanyang Geese.
Nakuha ni AK ang ikalawang game para maitabla ang score. Pero pinakita ni Doujin kung gaano kadelikado ang isang Lucky Chloe na may malaking damage potential sa kamay ng isang high level player. Tinapos ng SEA Games bronze medalist ang tournament sa isang no round brown 3-1 upang tanghaling kampeon ng Road to REV Pampanga.
Nakatakda ring lumipad si Doujin papuntang Las Vegas, Nevada upang maglaro sa EVO 2022 sa August 5 hanggang 7.
Ang REV Major ay gaganapin sa September 17-18 sa SMX Convention Center bilang isang Master event ng Tekken World Tour 2022.
Para sa iba pang balita tungkol sa gaming at esports, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.