Sumabak sa local Tekken scene ang sikat na rapper na si Ezekiel Miller “Ez Mil“ Sapiera nitong nakaraang Sabado para sa UP DOWN LEFT RIGHT Tekken Open Challenge ng Cerebrum Collective.

Sa event na ito, tinanggap ni Ez ang hamon ng mga players na nagnais na sumubok sa husay ng kanyang Jin, at hindi sila nabigo. Bukod sa pagpapaunlak sa mga fans na kapwa players, nagsilbi ring warm up ang mga exhibition matches na ito para mas maging handa ang rapper sa mas mabigat na main event ng gabing iyon.

Ez Mil nakipagbakbakan kina Jules, Doujin, at AK sa Tekken 7

Tekken Ez Mil AK Doujin Up Down Left Right
Credit Cerebrum Collective

Para sa main event ng UP DOWN LEFT RIGHT Tekken Open Challenge, hinarap ng 24-anyos na rapper ang tatlo sa pinakamalalakas na players sa bansa na sina Juliano “Jules” Lozano, Andreij “Doujin” Albar, at Alexandre “AK” Laverez.

Isang malaking leksyon ang itinuro ni Jules nang tapatan niya sa isang Jin mirror match si Ez. Nagulat at napahangha ang Jin ng Pinas sa ipinakitang husay ni Ez sa paggamit ng Jin dahil na rin sa ilang combo na napatama nito. Ngunit sa huli ay namayagpag pa rin ang experience ng isang pro player, at tinapos ni Jules ang series 5-1.

Roster showcase naman ang ipinakita ng character specialist na si Doujin nang gamitan niya si Ez ng Armor King, Devil Jin, at Yoshimitsu. Binigyan ng SIBOL representative ng kakaibang experience na makaharap ang iba’t ibang characters sa roster ng game. Hindi nakakagulat ang naging resulta ng series na 5-2 na kinuha ng PlayBook Esports pro player.

Tekken Ez Mil vs Jules
Credit: Cerebrum Collective

Huling nakaharap ni Ez Mil ang isa pang player ng PBE na si AK, na hindi nagpatumpik-tumpik at agad nang inilabas ang kanyang main na Shaheen. Gitgitan ang naging laban sa pagitan nina AK at Ez kung saan nagsalitan sila sa pagkuha ng puntos, na umabot sa punto kung saan napilitan si AK na ilabas ang kanyang Paul at Akuma.

Kakaibang bangis ang ipinakita ng rapper sa first-to-five series na ito na nagresulta sa pagkuha niya ng lamang sa Game 7 sa score na 4-3. Ngunit hindi nagpadaig ang SEA Games silver medalist at hinabol ang score. Sa sobrang dikit ng laban ay umabot sa Final Round ang huling game. Sa pagtatapos ng series ay nangibabaw pa rin ang husay ng isa sa pinakasikat na pangalan sa mundo ng Pinoy Tekken, panalo si AK 5-4.

Ez Mil pumalag sa SIBOL IESF Tekken 7 Qualifier

Ez Mil Tekken Community
Credit: SIBOL

Nang sumunod na araw, panibagong hamon naman ang kinaharap ni Ez Mil nang sumali siya sa SIBOL IESF Tekken 7 Qualifier na ginanap rin sa PlayBook Circuit Makati.

Ito ang unang beses na sumabak sa isang tournament ang pambato ng Olongapo. At sa kasamaang-palad, hindi siya nanalo sa kanyang mga tournament matches.

Sa isang eksklusibong panayam ng ONE Esports, ibinahagi ni Ez ang kanyang experience sa pakikihalubilo sa Pinoy fighting game community.

“Para sakin, sobrang nakaka-overwhelm yung suporta ng tao, pero pagdating na sa laro, alam mong hindi sila magi-giveway. Bakbakan na kung bakbakan.”

Ibinahagi rin niya ang dahilan kung bakit niya ginustong makalaro ang mga top players ng bansa. “I just wanted to test my abilities against our gods,” sabi niya. “I learned a lot and to me, it’s an honor.”

Sinabi rin ng tanyag na hip-hop artist na masaya siya sa kanyang mga nakalaro at gusto niya itong maulit. “I cant wait to play again. It’s a crazy experience. It’s surreal.”

Nitong nakaraang linggo, kakaibang Ez Mil ang nakita ng marami. Isang Ez na nakikipagsabayan ng bakbakan sa mga players ng community. Natalo man siya sa ilang mga matches, panalo naman siya sa puso ng bawat Pinoy Tekken player.

Para sa iba pang balita tungkol sa gaming at esports, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.