Inanunsyo kamakailan ang pagbabalik ng pinakamalaking fighting game event sa buong bansa, ang REV Major.
Bukod sa pagiging Philippine leg ng Tekken World Tour mula 2017 hanggang 2019, ang REV Major ang pinakamalaking pagtitipon hindi lang ng mga Tekken players kundi ng iba’t ibang fighting game communities sa Pilipinas. At dahil dito, dinadayo ito ng mga sikat at mahuhusay na fighting game personalities mula sa iba’t ibang sulok ng mundo.
Sa kasamaang palad, hindi natuloy ang bigating tournament noong nakaraang taon dahil sa pandemya.
REV Major Lockdown
Sa isang teaser video, inihayag ang pagbabalik ng pinakamalaking fighting game tournament sa bansa matapos ang matagal na pagkawala. At ayon sa kanilang Facebook banner, ang event ay tatawaging REV Major Lockdown.
Mapapansin na pinalitan nila ang dating hashtag na #DoItAgain ng #DoItDifferent, senyales ng mga pagbabago na magaganap sa format ng event.
Ang event na ito, sa pamamahala ng Gariath Concepts at PlayBook Esports, ay umani ng mga papuri mula sa mga sikat na fighting game pro players mula sa iba’t ibang bansa, mga commentators, at maging kina Bandai Namco General Manager Katsuhiro Harada at Tekken Producer Michael Murray.
Tiyak na marami ang nag-aabang para sa mga susunod na detalye mula sa mga organizers. Para sa updates, i-follow ang kanilang official social media accounts sa Twitter at Facebook.