Kinuha ni Omega Jules ang korona sa Tekken 7, ang huling tournament sa katatapos lang na REV Major Lockdown.

Nakilala ang REV Major bilang pinakamalaking fighting game event sa buong bansa, at isa sa mga pinakasikat na tournament titles ng event na ito ay ang Tekken 7. At sa muling pagbabalik ng event ay tinanghal na kampeon ang pambato ng Omega Esports na si Juliano “Jules” Lozano.

Omega Jules vs PBE AK sa Grand Finals

Sa Grand Finals, sinagupa ni Omega Jules ang isa sa mga pinakakilalang Tekken player ng bansa, si Alexandre “AK” Laverez ng PlayBook Esports. Malahalimaw na ginapang ni AK ang losers bracket sa kabuuan ng Top 8 upang harapin si Jules sa finals at tangkaing pigilan ito na makuha ang kampeonato.

Dala ang init mula sa katatapos lang na match laban kay Raphael “Vermilion” Cueva ng Grind Sky Esports, mabilis na na-reset ni AK ang bracket sa score na 3-0 upang tanggalin ang twice-to-beat advantage ni Omega Jules.

Matapos ang bracket reset, binaligtad ni Jules ang sitwasyon gamit ang kanyang Bob upang kunin ang unang dalawang games ng huling best-of-five series ng tournament. Bilang sagot dito, inilabas naman ni AK ang kanyang Geese upang kunin ang ikatlong game ng series.

Sa Game 4, muling ginamit ni Omega Jules ang kanyang main na Jin. Sa huling sequence ng Round 4, nakuha ni Jules ang kalamangan dahil sa isang Electric Wind Hook Fist combo. Alam ni Jules na paubos na ang oras kung kaya’t inihanda nya na ang mala-pader nyang depensa laban sa naghahabol na si AK. Nagtangkang magpakabit ng Max Mode combo si AK gamit ang natitira nyang metro ngunit hindi ito nakalusot sa depensa ng Omega. Sa mga huling segundo ay nagbato si AK ng Fudou Ken Ba na nasalag at na-punish ni Jules upang tapusin si AK, ang round, at ang buong tournament, upang tanghaling kampeon ng REV Major para sa taong ito.

Ano ang susunod para kay Omega Jules?

Sa isang eksklusibong panayam, ibinahagi ni Jules na hindi sya halos makapaniwala sa nangyari. “To be honest it’s still surreal to me,” kwento ni Jules. “This is one tournament that I’ve been really hoping to return during the pandemic, and I’m thankful it did.”

Nagpahayag din sya ng pasasalamat at papuri sa mga manlalarong sumali sa nagdaang tournament.

“I’m not one to speak much, but those were really crazy matches and I give mad props to all the competitors in it who gave us all a show.”  

Marami pang plano ang pambato ang Omega, at matagal pa bago sya huminto. Marami pang tournaments na dapat ipanalo. Pero sa ngayon, ay gusto nya munang namnamin ang tamis tagumpay habang kumakain.

“Moving forward, there’s still a lot more that I’m eyeing. But for now, I gotta grab some slices and wings. Time to feast!”

Tekken7 Omega Jules REV Major Lockdown Champion
Credit: REV Major

Kilala si Jules bilang isa sa mga pinakamahuhusay na Tekken player sa bansa, at unti-unti na rin syang napapansin sa international scene dahil sa kanyang nakakabilib na performance sa EVO Online at ICFC Asia. At matapos kunin ang titolo sa pinakamalaking tournament ng taon, ano nga ba ang susunod para sa Jin ng Pinas?