Inanunsyo ng Bandai Namco ang pagbabalik ng Tekken World Tour 2022, na nangangahulugan rin ng pagbalik ng mga offline tournaments. Ang pasabog na balita ay inilahad sa Combo Breaker 2022 kasabay ng pagsabi na ang tournament ay magkakaroon ng 16 regions mula sa iba’t ibang panig ng mundo.
Ang mga Tekken players mula sa bawat region ay maglalaban-laban upang makakuha ng points paakyat sa regional leaderboards, kung saan ang top players ay aabante papuntang Regional Finals, hanggang sa sila ay makarating sa Grand Finals.
Mga events sa Tekken World Tour 2022
Ang Tekken World Tour 2022 ay magaganap mula June hanggang October, susundan naman ito ng Regional Finals na gaganapin mula October hanggang December, hanggang sa makarating sa Grand Finals sa 2023.
Magkakaroon ng iba’t ibang klase ng events ang Tekken World Tour na pwedeng salihan ng mga players upang makakuha ng points.
Dojo
Ang mga Dojo events ay maaaring maging online o offline at magiging bukas para sa lahat nang players. Subalit magkakaroon ito ng region-lock, na nangangahulugang ang mga players lamang sa parehong region ang maaaring makakuha ng points para sa regional leaderboard. Ang bilang ng points na makukuha ay magdedepende sa laki ng tournament o bilang ng mga players na kasali.
Dojo Prime
Ang mga Dojo Prime events ay mas mataas sa mga Dojo events. Katulad din ito ng mga Dojo events pero magkakaroon ito ng official support mula sa Tekken World Tour, at ang bilang ng points na makukuha dito ay hindi nakabase sa dami ng kasaling players. Ang mga tournament organizers ay maaaring mag-apply upang maging Dojo Prime event ang kanilang tournament.
Master at Master Prime
Malayang makakakuha ng points ang sinumang player sa alinmang Masters event sa mundo. Ang mga events na ito ay magkakaroon ng official support at merong mas mataas na points para sa regional leaderboard, kabilang dito ang pinakamalaking fighting game event sa Pilipinas na REV Major. Ang kaisa-isang Master Prime event ay ang EVO sa Las Vegas na gaganapin mula August 5 hanggang 7. Narito ang listahan at schedule ng mga Masters events para sa Tekken World Tour 2022:
- CEO (Daytona Beach, FL) – June 24 – 26, 2022
- EVO (Las Vegas, NV) – August 5 – 7, 2022
- VSFighting (Birmingham, UK) – August 19 – 21, 2022
- RevMajor (Manila, Philippines) – September 17 – 18, 2022
- The Mix Up (Lyon, France) – October 1 & 2, 2022
Para sa iba pang balita tungkol sa gaming at esports, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.