Sa wakas ay natapos na ang Tekken 7 tournament sa Evolution Championship Series 2022 (EVO 2022), kung saan itinaas ng Korean Tekken god na si Knee ang tropeyo matapos talunin ang Pakistani player na si Khan sa Grand Finals. Sa kabila ng matitindi at maaaksyong laban na nasaksihan ng marami sa pagitan ng mga pinakamahuhusay na Tekkenista sa buong mundo, hindi pa rin maaalis sa isip ng mga fans ang tanong na may ilang buwan na ring gumugulo sa isip nila – “May balita ba tungkol sa Tekken 8?”
EVO 2022 announcement tungkol sa Tekken 7 Battle Update, TWT Finals, at Tekken 8
Pagkatapos ng awarding ng Top 8 finishers, pinakawalan ang pasabog ng Bandai Namco. Sa video, sinabi na magkakaroon ng bagong Battle Update ang Tekken 7 kung saan magkakaroon ng “balance adjustments” at “new tactics”. Bukod sa mga bagong properties ng mga moves, ipinakita rin ang isang bagong wall splat effect na nagdudulot ng kneel stun. Hindi pa kumpirmado kung may garantisadong hit na kasunod ng stun na ito, ngunit sigurodaong magiging interesante ito para sa mga players.
Kinumpirma din sa video ang magiging venue ng Tekken World Tour 2022 Global Finals. Ayon sa video, muling magbabalik ang Global Finals sa Amsterdam sa February 4 hanggang 5, 2023.
At sa huling bahagio ng video, ipinakita ang ending ng Tekken 2 kung saan bitbit ni Kazuya si Heihachi upang ihagis sa bangin. Matapos tumingin ni Kazuya sa camera upang ngumiti, biglang nagbago ang itsura nito upang maging mas bagong bersyon ng character, kasunod ng mga katagang “get ready”.
Walang detalyeng ibinigay tungkol sa game, ngunit ito marahil ang paraan ng Bandai namco upang ipaalam sa mga fans na kasalukuyan na nila itong tinatrabaho. Mukhang kelangan talaga nating abangan ang magiging anunsyo sa TWT Finals sa susunod na taon.
Para sa iba pang balita tungkol sa gaming at esports, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.