Nagdagdag pa ng dalawang beterano sa kanilang hanay ang Mobile Legends: Bang Bang roster ng amateur esports team na ZOL Esports.
Ito ay matapos nilang ianunsyo ang pagpasok nina Joshwell “Iy4knu” Manaog at dating Bigetron Alpha coach na si Vrendon “Vrendini” Lin sa kanilang koponan.
Bago ipakilala ng ZOL Esports, matatandaang kinuha ng Mongolian esports team na Positive Gaming si Iy4knu. Matagumpay din kung maituturing ang naging kampanya ng tinaguriang ‘Kingslayer’ sa MLBB Professional League Philippines. Kasama siya sa roster ng ONIC Philippines na lumabas nang dalawang sunod na beses sa grand finals noong ika-apat at ikalimang season ng liga.
Samantala, nagsilbi naman bilang coach ng TNC Pro Team noong ikasiyam na season ng liga si Coach Vrendon bago lumipad ng Indonesia. Bagamat isang season lang ang itinagal niya sa MPL ID, natulungan pa rin niya ang Bigetron Alpha na tapusin ang kanilang kampanya sa ika-10 season ng liga sa ika-apat na puwesto.
ZOL Esports kargado na ng mga beterano
Bago ang pagpasok nina Iy4knu at Coach Vrendon, naunang nang naglalaor para sa ZOL Esports ang ilan sa mga batikang manlalaro gaya nina Carlito “Ribo” Ribo Jr., Allan “Lastii” Castromayor, at Jeff “S4gitnu” Subang.
Kalahok ang koponan sa iba’t-ibang amateur tournament gaya ng MP Tournament, kung saan nagtapos sila sa ikalawang puwesto at K Gaming Tournament, kung saan naman sila hinirang bilang kampeon. Ngayon, selyado na ang koponan ng puwesto sa grand final ng SET Olympics MLBB Season 3.
Kamakailan, hinirang bilang parte ng kauna-unahang 10 Legends si Ribo dahil sa kanyang mga napagtagumpayan sa kahabaan ng kanyang propesyunal na career. Hindi rin biro ang mga napagtagumpayan ni Lastii, na may dalawang MPL title at isang world championship title.
Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.
BASAHIN: 3 miyembro ng BREN Esports pinakawalan sa kanilang MLBB roster