Ipinakilala na ng PRO Esports si Pinoy coach John Michael “Zico” Dizon bilang pinakabagong miyembro nito sa darating na season ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League Cambodia (MPL KH).
Opisyal na inanunsyo ng organisasyon ang pagkuha nila sa isa sa mga naunang Filipino imports sa kanilang Facebook page nitong Biyernes ng gabi, ika-20 ng Enero.
Galing sa kapuri-puring kampanya kasama ang BURN x FLASH na dinala niya patungo sa M4 World Championship, gagabayan ni Zico ang PRO Esports sa MPL KH Spring 2023 na magsisilbing qualifier para sa MLBB Southeast Asia Cup (MSC) 2023 na gaganapin sa Cambodia.
Si Zico ang magsisilbing coach ng PRO Esports sa MPL KH Spring 2023
Solido ang ginampanang trabaho ni Zico para makatapak ang BURN x FLASH sa M4 na idinaos kamakailan sa Jakarta, Indonesia. Ginabayan niya ang koponan patungo sa kampeonato kontra Logic Esports sa MPL Cambodia Autumn 2022 para iselyo ang unang puwesto sa ikaapat na edisyon ng pinakamalaking MLBB tournament.
Sa kasamaang palad, tinamaan siya ng COVID-19 at hindi pisikal na nakapag-draft para sa BURN x FLASH sa M4 group stage. Aniya, malaki ang naging epekto nito sa kanilang kampanya kaya naman wala silang naipanalong laban sa group stage at agad na napatalsik ng The Valley sa lower bracket round 1.
Gayunpaman, malaking tagumpay pa rin para sa former ONIC PH player na makabalik sa M Series at magkaroon ng impact sa BURN x FLASH. Ilang araw matapos ang kanilang pagsabak sa M4, namaalam na si Zico maging si Pinoy gold laner Jhonwin “Hesa” Vergara sa koponan.
Susubukan muli ni Zico na gumawa ng marka at ibandera ang lakas ng Pilipinas ngayong siya na ang coach ng PRO Esports, na nakapasok sa MPL Cambodia sa pamamagitan ng Challenger Cup 2022.
Ilan sa mga kilalang manlalaro ng koponan sina former SeeYouSoon mid laner Seng “EMBER” Monyoudom, ex-Logic Esports gold laner Tep “BranTzy” Sokthai, at dating Alter Ego jungler Fahmi “AMYY” Fadillah.
Kabilang din dito sina former Suhaz Esports roamer Daffa Dwitama “Oxygen” Siregar at former Impunity KH EXP laner Zeroo.
Kumpletong lineup ng Pro Esports para sa MPL KH Spring 2023
- Seng “EMBER” Monyoudom (mid laner)
- Tep “BranTzy” Sokthai (gold laner)
- Alter Ego jungler Fahmi “AMYY” Fadillah (jungler)
- Daffa Dwitama “Oxygen” Siregar (roamer)
- Zeroo (EXP laner)
- John Michael “Zico” Dizon (coach)
Sasabak ang PRO Esports sa MPL KH Spring 2023 kung saan ang hihiranging kampeon ay irerepresenta ang host country Cambodia sa MSC 2023. Ang RSG PH ang defending champion sa prestihiyosong regional competition.
Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.