Kamakailan ay inihayag na dadako na sa hanay ng PRO Esports ang Pinoy trainer at coach na si John “Zico” Dizon. Ito ay matapos ng kaniyang matagumpay na kampanya kasama ang Burn x Flash na kinalawit ang tropeyo ng MPL Cambodia (MPL KH) Autumn Split, paraan para maging kinatawan ng rehiyon sa katatapos lamang na M4 World Champinship.

Credit: ONE Esports

Ngayon, susubukan naman niyang yakagin ang PRO sa tugatog ng eksena. Sa tahaking ito, makakatuwang niya ang dekalibreng lineup na binubuo ng tatlong matitikas na Cambodian players na palalakasin ng dalawang pros na naglaro sa matarik na kumpetisyon sa MPL Indonesia.


Zico makakatuwang sina AMYY at Oxygen sa PRO Esports

Credit: PRO Esports

Kung dalawang Pinoy players ang nakasama ni Coach Zico sa Burn x Flash sa nakaraang edisyon ng MPL KH (sina Jhonwin “Hesa” Vergara at Michael “MP the King” Endino), sasabak naman siya sa kumpetisyon katuwang ang dalawang Indonesian players.

Babandera din para sa PRO Esports ang dating Alter Ego jungler na si Fahmi “AMYY” Fadillah at dating roamer ng RRQ Sena at kamakailan ay roamer din ng Suhaz Esports sa MPL Malaysia na si Daffa Dwitama “Oxygen” Siregar.

Bukod sa dalawang Indonesian players, pagaganahin din ni Zico ang lineup na binubuo ng dating SeeYouSoon midlaner na si Seng “EMBER” Monyoudom, ang ex-Logic Esports gold laner Tep “BranTzy” Soktha at former Impunity KH EXP laner na si  Zeroo.

Kumpletong roster ng PRO Esports para sa MPL KH Spring 2023

Credit: PRO Esports
  • Seng “EMBER” Monyoudom (mid laner)
  • Tep “BranTzy” Sokthai (gold laner)
  • Alter Ego jungler Fahmi “AMYY” Fadillah (jungler)
  • Daffa Dwitama “Oxygen” Siregar (roamer)
  • Zeroo (EXP laner)
  • John Michael “Zico” Dizon (coach)

I-liket at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook!

BASAHIN: Kinapos man sa M4, masaya si Coach Zico sa naging impact nila ni Hesa sa Burn x Flash