Ilang sandali na lamang at masasaksihan na ng mga miron ang bakbakan ng ilan sa pinakamalalaking pangalan sa mundo ng Mobile Legends.
Itatampok sa M4 World Championship ang pagbabalik ng V33Wise duo at ng Blacklist International na susubukang maging pinakaunang back-to-back world champions. Makakatuwang nila sa kumpetisyon ang mas pinalakas na ONIC Esports ni Kairi “Kairi” Rayosdelsol, ang pamosong RRQ Hoshi ni Albert “Alberttt” Iskandar, ang makamandag na “The Valley” ni Michael “MobaZane” Cosgun, at marami pang iba.
Bagamat nasa panig ng ECHO ang M2 World Championship MVP na si Karl “KarlTzy” Nepomuceno, batid ng kapitan ng team na si Tristan “Yawi” Cabrera na karamihan sa kaniyang kakampi, kasama siya, ay bagito sa pinakamatarik na kumpetisyon sa laro.
Kaya naman ang superstar roamer, may binuong pilosopiya para sa sarili at sa kaniyang teammates na unang sasabak dito.
Pagkatalo sa Blacklist nakatulong raw kay Yawi at sa ECHO papunta sa M4
Eksklusibong kinapanayam ng ONE Esports Philippines si Yawi para alamin ang kanilang paghahanda para sa pagbubukas ng M4. Banggit ng lider ng House of Highlights, kinakailangan daw na nakapokus ang bawat isa sa pagtutulungan para mapagtagumpayan ang makakasagupa sa kumpetisyon sa Jakarta.
“Hindi puwedeng magpetiks ganon, tapos sobrang enjoy and hype lang ng game para mahawa sila ganoon. Tapos tuwing scrim, para buo yung energy ng lahat. Damay-damay tapos walang tinatamad,” paliwanag ng 21-anyos.
Ukol sa pressure, malaking bagay daw ang karanasan ng team sa MPL Philippines Season 10 Grand Finals kung saan nakatapat nila ang dekoradong Blacklist. “Siguro hindi na ganoon ka-pressure kase, na-feel na namin nung finals eh. Kaya medyo alam na naming gagawin namen next time na aapak kami sa stage. Kaya mas less pressure siguro”
Pagtutuloy niya, “Nakatulong din talaga. Kaso kinulang lang talaga kami. Dmi namen natutunan sa pagkatalo na iyon.”
Sinubukan din ng ONE Esports Philippines na kuhanin ang komento ni Yawi tungkol naman sa posibleng paghaharap nila muli ng kapwa roamer na si Jonmar “OhMyV33NUS” Villaluna.
Aniya, “Mayroon ding pressure. Pero pokus lang sa ginagawa namen sa scrim, bale hindi ko rin puwede isipin na “ay malakas ‘to” ganon. Kailangan pokus lang ako sa dapat kong gawin sa part ko tapos pokus lang sa game.”
Dito na binanggit ni Yawi ang pinakamalaki niyang natutunan sa karanasan sa S10.
“Huwag tignan yung pangalan, yung hero lang.”
“Kasi siyempre, pantay-pantay lang kami. Kasi marami din minsan maraming na-iintimidate sa pangalan eh. Parang nag-iiba yung laro. Pero ako tinitignan ko, hero lang. Para pantay-pantay lang,” pagpapalawig ng pro.
Susubukan ng ECHO na sungkitin ang top spot sa Group C kung saan makakatapat nila ang RRQ Hoshi, RSG SG at Occupy Thrones.
Para sa iba pang exclusive content, i-like at i-follow lamang ang Facebook ng ONE Esports Philippines.
BASAHIN: May isang player na gustong makatapat si Yawi sa M4, sino ba ito?