Malayo-layo na ang narating ni ECHO captain-roamer Tristan “Yawi” Cabrera bilang isang professional Mobile Legends: Bang Bang player.

Matapos ang limang seasons sa MPL Philippines kabilang na ang unang tatlong masalimuot na kampanya kasama ang Nexplay Esports, nalasap sa wakas ni Yawi ang kauna-unahang kampeonato sa kanyang karera. Napaka-espesyal pa dahil nakuha niya ito kasama ang ECHO sa M4 World Championship na ginanap kamakailan sa Jakarta, Indonesia.

Sa eksklusibong interbyu ng ONE Esports, inamin ni Yawi na hindi niya inasahang maging kampeon sa ganitong punto ng kanyang karera. Nag-iwan din siya ng mensahe para sa dati niyang mga kakampi sa NXP na sina Renejay “RENEJAY” Barcase at John Paul “H2wo” Salonga.


Yawi para kila Renejay at H2wo: ‘Alis kayo sa comfort zone niyo’

Yawi, Renejay, H2wo sa Nexplay EVOS
Credit: Nexplay Esports

Nakapasok si Yawi sa MPL PH noong Season 6 sa ilalim ng Nexplay Solid na pinangungunahan ni Setsuna “Dogie” Ignacio. Sa kasamaang palad, back-to-back na first round exit ang naranasan nila sa unang dalawang seasons sa liga. At bagamat nakalapag sila sa 4th place bilang NXP EVOS noong Season 8, hindi ito sapat para makausad sila sa M3.

Napagdesyunan ni Yawi na lisanin ang Aether House at sumali sa tinaguriang “super team” ng ECHO pagpasok ng Season 9. Matapos ang first round elimination, bumawi ang Orcas sa Season 10 at sinelyo ang kanilang puwesto sa M4 makaraang ikasa ang huling grand finals spot bago tuluyang itala ang runner-up finish sa likod ng Blacklist International.

Sumunod na rito ang pagsagasa ng ECHO Express sa mga kalaban nila sa world stage at pagbasag sa code ng Blacklist sa pamamagitan ng 4-0 sweep sa championship series. Para kay Yawi, hindi niya inasahan na makakamit niya ang titulo.

Yawi M4 champion
Credit: Moonton

“‘Di ko po in-expect kasi po naisip ko parang sobrang tagal ko pa po magcha-champion, like marami pang seasons na pagdadaanan. Pero ayun po, nag-champion, sobrang sarap po sa pakiramdam. Worth it po lahat ng grind and sacrifice sa life,” saad niya.

Bilang dati ring manlalaro ng NXPE na lumabas ang tunay na potensyal sa ibang koponan, nagpaabot ng mensahe at payo si Yawi para sa dati niyang kasama sa pamosong “Big 3” ng nasabing koponan at matatalik na kaibigan na sina RENEJAY at H2wo.

Credit: MPL Philippines

“Kay Renejay at H2, excited din ako makita kayo na mag-champion. Sana sa future para tatlo na tayong may championship.”

“Grind lang kayo nang grind ‘tska alis kayo sa comfort zone niyo para mag-grow din kayo sa ibang team.”

Sa ngayon, naging bahagi si RENEJAY ng Blacklist International sa SIBOL MLBB SEA Games 2023 National Team Selection ngunit ‘di pa sigurado kung magiging parte rin siya ng kanilang MPL PH Season 11 roster. Samantala, usap-usapan namang lilipat si H2wo sa RSG PH.


Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.