Nakamit na ng ECHO ang inasam na grand finals slot sa MPL Philippines Season 10, katuwang ng tiket sa prestihiyosong M4 World Championship. Karugtong ito ng pagpapadapa nila sa defending champions RSG Philippines sa loob lamang ng apat na laro sa likod ng magigilas na plays ni Tristan “Yawi” Cabrera.
Panis kay Yawi ang RSG PH nang hawakan niya ang Chou sa magkasunod na games one at two, bago lapnusin ang mga ito gamit ang Kadita sa closer para kumpletuhin ang tatlong MVP of the game awards.
Yawi kumalawit ng 3 MVP awards sa tagumpay ng ECHO kontra RSG PH
Hindi nagpatumpik-tumpik si Yawi na maagang pinagbaga ang ECHO Express gamit ang kaniyang signature Chou. Muli’t-muling kinontrol ng pro si Dylan “Light” Catipon sa early game para ibaon sa limot ang Grock nito na tinapos ang hawak ang 7 deaths.
Ngunit hindi lamang ang pambubugbog sa Grock ang rason kung bakit hinirang na MVP ng game one ang bantog na roamer. Henyong setup ni Yawi ang sumelyo sa tagumpay para sa Orcas nang pakainin niya ang Karina ni Jonard “Demonkite” Caranto ng isang sorpresang Flicker + Way of the Dragon combo, dahilan para mapitas ang RSG PH roamer at maselyo ng kaniyang hanay ang ang Lord objective.
Pagdako ng game two, hindi nag-atubili si Harold Francis “Coach Tictac” Reyes na isalang muli ang paboritong pick ng kaniyang roamer. Krusyal ang pickoff ng 20-anyos na pro sa Yve ni Arvie “Aqua” Antonio sa ika-18 minuto gamit ang parehong setup combo na nagbigay-daan para tuluyang magiba ng ECHO ang middle inhibitor turret at kalaunan ay ang base.
Hindi pinayagan ni Brian “Coach Panda” Lim na makuha muli ng kalaban ang Chou at ito lamang ang kinailangan nila para makuha ang mahalagang game three panalo. Matagumpay ang fighter sa kamay ni Light na nag-ambag ng 10 assists, habang 4 kills, 9 assists kontra sa 3 deaths naman ang ipinako ni Eman “EMANN” Sangco papunta sa MVP of the game gantimpala.
Bagamat deny pick muli sa Chou ang pinagulng ng Raiders ay naiwang bukas ang pamatay na Kadita ni Yawi na sinandalan ng Orcas sa closer. Magilas ang pick offs ng ECHO roamer sa damage dealers ng kalabang team, partikular na sa ika-13 minuto nang pitasin niya ang Claude ni EMANN gamit ang kombinasyon ng Petrify at Rough Waves para tuluyang maisarado ang serye.
Sa panalo, makukuha nina Yawi at ng kaniyang hanay ang tiyansang maging kinatawan ng bansa sa M World Series sa Enero, gayundin ang matchup kontra sa matikas na Blacklist International para sa korona ng MPL PH Season 10.
I-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa pinakahuli sa MPL.