Umiiral ngayon sa MPL Philippines Season 11 ang pagsalang sa Arlott, ang pinakabagong adisyon sa hero pool ng Mobile Legends: Bang Bang. At may rason kung bakit sa huling dalawang linggo ng regular season ay napapadlas ang paglabas ng fighter/assassin sa mapa.
Pambihira kasi ang mobility ng karakter, bukod pa sa pambihirang damage na karga nito. Maari na lamang tignan kung ano ang nagawa ng hero sa kamay ng world class EXP laners na sina Edward “EDWARD” Dapadap ng Blacklist Interantional at Nathanael “Nathzz” Estrologo ng RSG Slate PH.
Pero bakit nga ba gana ang Arlott sa meta ngayon? Ang bantog na MPL talent at analyst na si Caisam “Wolf” Nopueto, may paliwanag ukol dito.
Wolf sa Arlott: ‘Kaya niyang talunin yung most meta EXP Laners ngayon’
Eksklusibong nakapanayam ng ONE Esports Philippines ang beteranong caster at dating coach ukol sa pag-usbong ng Arlott sa meta sa MPL PH. Aniya, swabe daw ang abilities ng hero sa hinahanap ng teams sa isang EXP lane hero.
“Sakto yung kit nya sa EXP, lalo sa lane. Kaya niyang talunin yung most meta EXP Laners ngayon. Kaya din niyang mag 1-hit-combo ng mga Gold Laners sa late game, tulad nang hinahanap sa traditional na EXP laners,” kuwento ni Wolf.
Dagdag ng M-World Series analyst, “Halos instant kasi yung Flicker + Ulti niya, tapos may chance na madami ang tamaan. Kaya niyang mag in-and-out ng madali.”
Ngunit gaya ng lahat ng heroes sa MLBB, kinakailangan daw munang ma-hit ng hero ang kaniyang winning conditions.
Punto ni Wolf, “Sa composition, need niyang [Arlott] manalo sa lane niya. Siya din ang hahanap ng timing para ma 1-hit-combo yung gold laner sa mga teamfights.”
Kung susuriin ang salang ni EDWARD at Nathzz sa sumisikat na EXP lane hero, ito mismo ang ginagawa ng dalawa para matulungan ang kanilang hanay sa team fights.
Sa tapatan kontra Nexplay EVOS sa nakalipas na Week 4, malaking panganib ang dinala ni EDWARD sa backlines ng White Tigers para dalhin ang defending champions sa dalawang magkasunod na tagumpay sa loob lamang ng 15 minuto.
Gayundin ang ipinakita ni Nathzz kontra mismo sa Blacklist sa kanilang Week 3 Day 3 bakbakan, kung saan tumindig siya kontra sa Benedetta ng 2-time MPL PH MVP.
Sa tagumpay na natatamasa ng Arlott sa MPL PH eksena, inaasahan ni Wolf na tataas lamang ang pick rate nito at magiging kontensyon sa draft.
“Gumagana sa playstyle ng teams sa Pilipinas kaya likely at some point magiging contended ‘to sa draft,” hula ni Wolf.
Para sa iba pang eksklusibong content ukol sa MLBB, sundan lamang ang Facebook ng ONE Esports Philippines!
BASAHIN: Item build at emblem set sa Arlott ni EDWARD ng Blacklist International