Nabigla man ay handa si SIBOL MLBB jungler Danerie James “Wise” Del Rosario na gawin ang kanyang makakaya para masanay sa ginagamit na cellphone sa International Esports Federation World Esports Championship 2022 (IESF WEC 2022).
Aminado si Wise na naninibago at nahihirapan siya sa device na pinapagamit sa naturang torneo sa Bali, Indonesia, na kaiba sa tipikal na cellphone na ginagamit nila. Pero iginiit ng Blacklist International star player na gagawin niya ang lahat upang makapag-adjust.
Handa si Wise na mag-adjust sa cellphone issue sa IESF 2022
Sa eksklusibong interbyu ng ONE Esports, inihalintulad ni Wise sa pagsusuot ng ibang damit ang kaibahan ng paggamit ng ibang phone unit kumpara sa pinaglalaruan nilang device na aniya’y gamit-gamit na nila noong nakapasok sila sa MPL Philippines.
“Sabihin na lang natin kunwari sa nakasanayan mo isuot. Parang sanay ka na malaki sa’yo, comfy, tapos biglang sumikip sa’yo. Biglang nag-fit ‘yung mga damit mo parang ganun kasi,” paliwanag niya.
“Ever since talaga nag-ML kami, MPL Season 4, ‘yun na ‘yung device na ginagamit namin tapos smooth talaga, wala kang masabi, walang FPS drop ‘tska saktong-sakto sa kamay. Ta’s biglang ngayon, sobrang laki. Nandun ‘yung ‘pag sina-swipe mo ‘yung mapa, ‘di siya smooth. Para siyang may delay tapos ‘yung skill, ‘di ba ‘pag nag e-ML ka ‘yung skill tinututok niyo? ‘Yung sa tutok na ‘yun parang mabigat siya dalhin.”
“Hindi siya sobrang ganung kalaki kung hindi kayo competitive,” dagdag pa niya. “Kung normal na tao ako, maiisip ko agad, ‘Ang arte niyo naman.’ Pero kung competitive talaga, sobrang laki.”
Kumpyansa si Wise sa kanilang pagsabak sa IESF ngunit tila nadiskaril ang kanyang loob dahil sa ‘di inasahang adjustment sa cellphone. Kaya ganoon na lamang ang pasasalamat niya sa mga kapwa Pinoy na nagpahiram sa kanila ng units na tulad ng ginagamit sa kompetisyon.
“Nung una naumay ako siyempre. Ready na ako eh, confident din ako sumabak dito sa IESF eh. Ta’s ‘yung practice namin ang ganda. Ta’s pagdating dito ‘yung Indo nakakausap namin sila outside game at dun sabi sa’min Samsung daw gagamitin ‘di namin alam. Nagulat kami,” kuwento niya.
“Thankful ako sa Blacklist kasi nagawan nila ng paraan. Nakapagdala ng limang Samsung S22 Ultra dito sa Indo. Siyempre thank you din sa mga nag-lend kasi pinahiram lang sa’min ‘yun.”
Bagamat inamin ni Wise na hindi niya makakasanayan nang basta-basta na lang ang paglalaro sa ibang device, sinabi niya na gagawin niya ang lahat ng kanyang makakaya para maka-adjust.
“‘Di natin masabi (na masasanay). Pero, gagawin ko best ko para matuto ako sa cellphone,” saad niya. “Expect niyo talaga sa akin magga-grind talaga ako sa cellphone. Kasi personally, nahirapan talaga ako. Alam ko sa sarili ko na hindi ‘yun ang best ko. Ang hirap ilabas ‘pag naninibago pa ako. Kaya mag-a-adjust talaga ako.”
Kalaban ng SIBOL MLBB ang Cambodia na nirerepresenta ng Impunity KH sa lower bracket finals sa ika-10 ng Disyembre. Ang magwawagi ay aabante upang harapin ang Indonesia, na may tangan na agad na 1-0 series lead bilang upper bracket winner, sa best-of-5 gold medal match sa susunod na araw.
Para sa iba pang balita patungkol sa SIBOL national esports team, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.