Muling nagpamangha ang koponan ng Blacklist International matapos makalawit ang ikatlo nilang kampeonato sa kongklusyon ng MPL Philippines Season 10. Ito ay matapos ipamalas ni Danerie “Wise” Del Rosario at ng kaniyang hanay ang pambihirang team play para patahimikin ang matikas na ECHO sa gumulong na Grand Finals serye, 4-2.
Hinirang na Finals Most Valuable player si Edward “EDWARD” Dapadap sa naturang serye, gawa ng kaniyang pambihirang plays sa EXP lane partikular na sa kaniyang Benedetta na nanguna para maipako ng koponan ng Tier One ang krusyal na game four tagumpay. Sa proseso ay nakamit ni EDWARD ang ikalawa niyang Finals MVP tropeyo.
Gayunpaman, kasabay ng tunog ng mga palakpakan ay lumutang ang tawag na si Wise dapat ang nakatanggap ng gantimpalang ito. Ang Blacklist jungler naman, piniling magkibit-balikat sa pag-ugong ng kaniyang pangalan para sa individual award.
Wise sinabing ‘deserve’ ni EDWARD ang FMVP award
Sa press conference matapos ang kanilang tagumpay kontra ECHO, binigyang-linaw ni Wise ang kaniyang nararamdaman sa gitna ng pagiging mailap sa kaniya ng Finals MVP title bagamat umugong ang tawag na siya ang karadapat-dapat na parangalan nito.
Aniya, “Personally, hindi ako nasasaktan. Kanina noong nag-champion kami, sinisigaw nila yung, ‘Wise!’ Tapos sabi ko, ‘Huwag niyong pangunahan baka hindi ako yung mag-MVP baka masaktan lang ako!’”
Matatandaan na pagkaraang manalo ng kaniyang katambal na si Johnmar “OhMyV33NUS” Villaluna ng regular season MVP awards sa MPL PH S10, si Wise na lamang ang natitirang player sa starting five ng Blacklist na hindi pa nagawaran ng pang-indibidwal na parangal.
Nauna nang nakatanggap ng MVP honors sina EDWARD (MPL PH Season 7 Finals MVP), Salic “Hadji” Imam (MPL PH Season 8 Finals MVP) at Kiel Calvin “OHEB” Soriano (M3 World Championship).
Sa huling seryeng nilaro sa Season 10, maraming nagpalagay na ito na ang pagkakataon ng jungler para makuha ang naturang title. Dinala ni Wise ang ECHO sa matarik na sitwasyon matapos niyang pakawalan ang bagong-luto na jungle Valentina. Mas umalingawngaw ang kaniyang kaso bilang FMVP ng ilahad ni OhMyV33NUS na siya ang may ideya na i-priority pick ang Benedetta ni EDWARD sa mahalagang game four.
Gayunpaman, hindi naman daw pokus ng Blacklist jungler ang makuha ang parangal lalo pa’t malayo na ang itinakbo ng kaniyang karera sa liga.
“Kung rookie year ko pa, syempre gusto ko yung mag-MVP ako. Kaso nandito na ako sa panahon na kahit hindi ako mag-MVP basta nananalo kami as a team, yun yung mas importante,” pagtutuloy ng kalahati ng V33Wise duo.
Sabay biro, “Ang nanghihinayang talaga ako yung pera na makukuha sa MVP kaysa doon sa title.”
Malaki daw ang pasasalamat ng 22-anyos sa mga nagsasabing siya dapat ang nanalo ng individual award, ngunit buwelta niya sa mga ito, “Pero deserve talaga ng [MVP award ang] ka-team ko. Lahat kami nagsha-shine dito pero may kanya-kanyang timeline.”
“Baka sa M4 ibigay sa akin. Mali ako sa pagkasabi e. Sabi ko kase M4 e yung sa video,”
Sundan ang pinakahuli sa MPL PH sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa ONE Esports Philippines sa Facebook.
BASAHIN: EDWARD matapos hiranging MPL PH S10 Grand Finals MVP: ‘For me MVP talaga si Wise’