Mananatiling nakatayo ang bandera ng defending champions Blacklist International sa podium ng M4 World Championship pagkaraang lusutan ang RRQ Hoshi sa makatindig-balahibong five-game sagupaan sa Upper Bracket Semifinals.
Dumagundong ang Tennis Indoor Stadium Senayan mula sa tambol at sigawan ng RRQ Kingdom matapos makuha ng kanilang koponan ang equalizer sa game four, ngunit tilian at palakpakan ng Agents ang umalingawngaw sa huli nang tibagin ni Danerie “Wise” Del Rosario at ng kapwa mga Pinoy ang base ng kalaban papunta sa 3-2 series win.
Wise, Blacklist pinaluhod ang matikas na RRQ Hoshi, 3-2
Dehado ang kinalagyan ng Blacklist sa unang mapa nang isalang ni Rivaldi “R7” Fatah ang pamatay niyang Joy sa EXP lane. Walang naging sagot ang mga Pinoy sa hero pick na patuloy na pinutakte ang kanilang backlines, na tinambalan pa ng magilas na Fanny ni Albert “Albertttt” Iskandar para sa matinding pickoff potential para mapurnada ang UBE Strat.
Simple ang naging tugon ni Kristoffer “BON CHAN” Ricaplaza sa hamong ito dahil sa mga sumunod na laro sa serye ay hindi na muling nakawala sa draft ang mage para kay R7.
Sapat ang balasa ng coach sa draft para mapagana ng Blacklist ang kanilang pamosong sustain lineup sa game two at three at makuha ang 2-1 abante. Naghari sa nasabing games ang Fredrinn ni Wise na pumukol ng magkasunod na 2/0/5 at 8/1/13 KDA upang tulungan ang kaniyang team dumako sa match point.
Sa kabilang panig, sa bingit ng pagkagapi lumabas ang tunay na henyo ni Coach Michael “Arcadia” Bocado. Nahanap ng RRQ Coach ang matalinong Kaja roam pick na nagpalakas ng pickoff potential ng kaniyang pangkat para mabura ang kalamangan ng kapwa niya mga Pinoy.
Tinangka ng home team na paganahin muli ang lineup sa huling laban ngunit hindi nila natagpuan ang parehong resulta sapagkat wala silang nagawa sa dambuhalang Barats-Estes kombinasyon ng V33Wise. Tinangke ng magkatambal na tank jungler at healing support ang mayorya ng burst damage ng kalabang team at pinuwersa ang ultimates ng mga ito para mabigyang-puwang ang kanilang damage dealers sa teamfights.
Ngunit partikular na naipakita ng tambalan ang pambihirang potensyal ng kanilang komposisyon sa krusyal na teamfight sa paligid ng Evolved Lord sa ika-23 minuto. Bagamat natagpuan ng Ling ni Alberttt ang Retribution play dito, dalawang heroes ang naging katumbas nito sa kanilang panig, sapat para magmartsa ang mga Pinoy para bumasag sa sumunod na mga sandali.
Sa panalo, maseselyo na ng koponan ang Top 3 finish sa M4 at tutulak sa Upper Bracket finals kung saan aabangan nila ang mananalo sa ONIC Esports at ECHO.
I-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.
BASAHIN: Handa si Wise na harapin ang sino mang jungler sa M4