Muling magbabanggaan ang premyadong junglers na sina Danerie James “Wise” Del Rosario at Albert Nielsen “Alberttt” Iskandar sa mainit na sagupaan ng Blacklist International at RRQ Hoshi sa M4 World Championship upper bracket semifinals.

Subalit sa tatlong Pinoy junglers — Wise, Karl “KarlTzy” Nepomuceno, at Kairi “Kairi” Rayosdelsol — na nasa torneo sa Jakarta, Indonesia, pinili ni Alberttt si ONIC Esports star player Kairi na gusto niyang makaharap sa M4. Paliwanag niya, gusto niyang makalaban ang isang assassin user.

Tinanong ng ONE Esports ang tinaguriang “King of the Jungle” patungkol sa kanyang reaksyon dito, lalo pa’t dadaan muna sa kanya ang tinatawag na “Baby Alien” ng Indonesia.


Wise: ‘Wala naman akong pinipiling kalaban eh

Wise ng Blacklist International
Credit: Moonton

Para kay Wise, walang kaso kung hindi siya ang gustong makatapat ni Alberttt sa mga Pinoy junglers sa pinakamalaking kompetisyon ng Mobile Legends: Bang Bang ngayong taon.

“Ako wala naman akong pinipiling kalaban eh, kung sino lang talaga ‘yung kalaban namin,” komento ng matagumpay na 22-year-old Pinoy MLBB pro sa eksklusibong panayam ng ONE Esports.

“No choice naman ako kung ayun ang kalaban namin. Gagalingan lang talaga. Gagalingan ko lang and gagalingan lang ng mga kakampi ko para makuha ulit ‘yung championship,” dagdag pa niya.

Credit: Moonton

Ito na ang ikalawang sunod na tapatan sa M Series ng dalawa sa kinikilalang core players sa buong mundo. Pinatalsik nila Wise at Blacklist sina Alberttt at RRQ sa pamamagitan ng malinis na 3-0 sweep sa lower bracket quarterfinals bago tuluyang sungkitin ang titulo sa M3 World Championship.

Nagbigay ang 3-time MPL Philippines champion ng maiksing mensahe para sa 2-time MPL Indonesian titlist: “Galingan na lang natin.”

Credit: Moonton

Ibinahagi rin ni Wise ang kanyang opinyon patungkol sa pahayag ni Kairi sa panayam ng ONE Esports. Wika ni Kairi, naniniwala siya na ang jungler na may pinakamalawak na hero pool ang aangat sa gumugulong na world championship.

“‘Di ko masabi eh kasi tulad ko ‘di naman ako nag-a-assassin talaga kaya makikita na lang natin this M4,” saad ng Blacklist mainstay.

Nang tanungin naman kung may mailalabas pa ba siyang mga hero, sagot niya: “Sure meron ako pero abangan niyo na lang.”

I-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa mga balita at guides patungkol sa iba’t-ibang esports titles.