Sinigurado ng V33Wise duo at ng Blacklist International na maligamgam ang kanilang pagbati sa unang seryeng nilaro ni Setsuna “Batute” Ignacio para sa Nexplay EVOS ngayong MPL Philippines Season 10.

Credit: MPL Philippines

Kinailangan lamang nina Johnmar “OhMyV33NUS” Villaluna, Danerie “Wise” Del Rosario at ng kanilang M3 World Championship squad ng dalawang laro para iligpit ang Neon Tigers sa unang araw ng second half ng gumugulong na season.


V33Wise, Blacklist umarangkada kontra Nexplay

Binuksan ng Blacklist ang serye sa pamamagitan ng isang magnipikong early game atake kung saan binaon nila ang NXPE sa 6k gold deficit sa loob lamang ng 7 minuto.

Kahit pa ganito ay nanatiling kumpiyansa ng Nexplay na ipinagpatuloy ang pag-abante sa mapa para kumuha ng split push at sumipat para sa objectives.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

Hindi nga lang inasahan ng koponan ni Batute ang delubyong kasunod ng kanilang misplay sa ika-15 minuto ng laban. Habang sinusubukang kumuha ng posisyon sa Lord pit, punit ang apat na miyembro ng Nexplay sa flanking ng dekoradong team na nag-iwan kay Renejay “RENEJAY” Barcase na mag-isang dumepensa sa base.

Gayunpaman, hindi nito napigilan ang pag-martsa ng Blacklist tuluyang gibain ang base ng kalaban at tapusin ang unang mapa sa kasunod na minuto.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

Partikular na nagpamalas sa opener si OhMyV33NUS na pumukol ng swabeng 5/1/14 KDA at 86% kill participation papunta sa MVP gantimpala.

Sinubukan ng Nexplay na rumebanse sa ikalawang mapa sa likod ng pamosong Wanwan pick ni Marius “DONUT” Tan. Palitan ang momentum sa pagitan ng dalawang teams hanggang dumako sa late game ngunit disgrasya ang inabot ng NXPE sa Lord objective sa ika-17 minuto kung saan pinatunayan ni Wise ang bangis ng kaniyang jungle Natalia.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

Naselyo ng kalahati ng V33Wise duo ang kritikal na objective kahit pa patuloy ang pangangambala ng roam Paquito ni Batute. Epektibo rin nitong binuksan ang team fights na nagdulot sa pagkalapnos ng tatlong miyembro ng kalaban.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

Hinirang na MVP of the Game ang Blacklist jungler na kumumpas ng sandamukal na 38k damage output para ilista ang 9/2/11 KDA. Dahil sa panalo, maililista na ng V33Wise at ng Blacklist ang kanilang ika-anim na panalo sa walong laro para manatili sa rurok ng MPL PH Season 10 regular season standings.

Samantala, babagsak naman ang Nexplay sa matarik na 1-7 record.

Sundan ang pinakahuli sa MPL PH sa pamamagitan ng pag-sunod sa ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: RSG PH nilista ang 2-0 pagbawi kontra Smart Omega sa likod ni Light