Bagong koponan ang babadera sa bansang Turkey sa paparating na M4 World Championship.
Tagumpay ang Incendio Supremacy sa Mobile Legends: Bang Bang Turkish Championship 2022 matapos talunin ang Selecta sa grand final, 4-2, para maselyo ang kanilang slot sa M4, na gaganapin sa Indonesia sa susunod na ton.
Harapan sa pagitan ng dalawang dating magkakampi ang huling duwelo ng paligsahan. Pinangungunahan ang Incendio Supremacy ni Alien, na dating EXP laner ng Bedel, na kumatawan sa Turkey noong M3 World Championship. Sa kabilang banda, binubuo naman ang Selecta ng mga dating miyembro ng Bedel na sina Kazue, Farway, at DRAEZZ.
Incendio Supremacy kakatawanin ang Turkey sa M4 matapos pangibabawan ang qualifier
Ginanap ang Turkey qualifier simula ika-20 ng Agosto hanggang ika-11 ng Setyembre. Higit sa 300 koponan ang lumahok para sa walong spot sa playoffs.
Swiss format ang playoffs, kung saan ang unang dalawang koponang makakakuha ng tatlong panalo ay makaka-abante sa grand final. Sa dulo, Incendio Supremacy at Selecta ang nakapasok.
Bumida bilang Lapu-Lapu si Alien para maagang mai-angat ang Incendio sa serye. Tinapos niya ang serye nang may apat na kills at limang assists. Nakatulong din ang malulupit na Fatal Links ng Atlas ni APEX47 para masulit ang Bravest Fighter ni Alien sa mga team fight.
Pumalag ang Selecta pag pasok sa ikalawang mapa ng serye, pero nagbago ang takbo ng laban bandang 16-minuto nang mapitas ang Beatrix ni Farway sa may midlane jungle. Naging mitsa ito para ma-wipeout ng Incendio ang kanilang kalaban at maselyo ang ikalawang sunod na panalo sa serye.
Bumawi naman si Farway para maiwasan ang pagkakawalis ng kanilang koponan. Naka-Maniac siya gamit ang Clint noong pinupusuan pa ng Incendio ang kanilang base bandang 16 minuto ng bakbakan. Nadala niya ang magandang performance sa game four matapos puguin ang Wanwan ni Sunshine, na hindi nakapitas ng kill sa buong laro.
Bumalik sa makukunat na lineup ang Selecta pagpasok ng ika-apat na mapa, na sinagot naman ng Incendio gamit ang Karina at Karrie, dalawang kilalang pangontra sa makukunat na hero dahil sa kakayahan nilang magtala ng true damage.
Dikit ang bakbakan pero nakalamang ang Incendio dahil sa mas magandang scaling ng kanilang mga hero. Na-wipeout nila ang Selecta bandang 15-minuto para matulak sa match point ang serye, 3-2.
Sa ika-anim at kalauna’y huling mapa ng serye, isang pagkakamali lang mula sa Selecta ang nag-udyok para maselyo na ng Incendio ang panalo. Nagsasayaw kasi ang dalawang koponan sa may Enhanced Lord sa bottom lane nang pumwersa ng team fight ang Selecta.
Nag-Cult Altar ang Faramis ni Rosa para makontra ang initiation ng Selecta, na sinabayan ng pagsundot ni Aamon sa backline ng kalaban. Napitas niya ang Claude ni Farway at Rafaela ni DRAEZZ para mapahina ang kanilang pwersa.
Dahil dalawang miyembro na lang ang natira, hindi kinaya ng Selecta ang mag-defend sa midlane push ng Incendio. Sinelyo nila ang pagiging kinatawan ng Turkey sa M4, kasama ang pinakamalaking bahagi ng TRY20,000 (PHP 63,500+) na prize pool.
Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.
Ito ay pagsasalin sa Filipino mula sa orihinal na akda na matatagpuan dito.
BASAHIN: Ilang slots ang makukuha ng bawat region para sa M4 World Championship?