Magpapatuloy ang kampanya ng Todak sa second round ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League Invitational 2022 (MPLI 2022). Ito ay karugtong ng demolisyon nila kontra sa karibal na Slate Esports na binaon nila sa 2-0 sweep sa likod ng mala-higanteng performance ni Muhammad “CikuGais” Fuad.
Sentro ang gold laner sa panggigiba na pinagulong ng Malaysian powerhouse team na dinurog ang mga taga-Singapore hawak ang Wanwan sa unang mapa, at Bruno naman para isarado ang serye.
CikuGais kumamada para sa Todak, pinugo ang Slate Esports
Bagamat maagang napuruhan ang Wanwan ni CikuGais ay hindi pinayagan ng Todak na tuluyang malugi sa opener kontra Slate. Bumwelta ang Malaysians pagdako ng midgame nang makuha ng kanilang gold laner ang key offensive items para sugpuin ang Beatrix-centered lineup ng kalaban.
Hindi na nagawa ng MPL SG Season 4 runner-ups na masugpo ang magaslaw na Wanwan ni Ciku na bagamat sentro ng kanilang hero targets ay natatagpuan nilang pumipitik ng clutch Crossbow of Tangs. Nagtapos ang game one ng may 10/2/4 KDA ang Todak veteran para hiranging Game MVP.
Binunot ni Ciku ang halimaw na performance mula sa unang mapa at isinalang muli ito sa game two, sa pagkakataon namang ito ay hawak ang Bruno. Lusaw ang mga miyembro ng Slate sa sandamukal na damage output ng kaniyang marksman, na bukod sa hero kills ay pinangunahan din ang objective takes ng Todak.
Game MVP muli si CikuGais sa ikalawang mapa matapos pumako ng pambihirang 901 gold per minute at 91% Kill Participation para kumpletuhin ang kaniyang 7/1/3 KDA.
Sa tagumpay, aangat ang Todak sa second round at mag-aabang sa mananalo sa labanan ng ONIC Philippines at Aura Fire.
Manatiling nakatutok sa MPLI 2022 action sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa ONE Esports Philippines sa Facebook.
BASAHIN: KyleTzy nagpakilala sa international stage, Bren Esports nilaglag ang Bigetron Alpha sa MPLI 2022