Inihain ng Todak ang pinakamalaking upset sa ngayon sa M4 World Championship nang pabagsakin nila ang isa sa pinakamabigat na title contenders na ONIC Esports sa unang araw ng group stage.
Ginulat ng pambato ng MPL Malaysia ang kampeon ng MPL Indonesia at ONE Esports MPL Invitational 2021 gamit ang kanilang strat na nagpahirap kay Pinoy star jungler Kairi “Kairi” Rayosdelsol.
Itinala ng Todak ang dalawang panalo sa parehong dami ng laro sa Day 1 upang umarangkada sa tuktok ng Group B ng pinakamalaking torneo ng Mobile Legends: Bang Bang.
YumSkie pinangunahan ang upset victory ng Todak kontra ONIC sa M4
Kilalang-kilala ang Todak sa pagiging unpredictable nila sa mga torneo. At sa unang araw ng M4, muli nila itong ipinamalas laban sa ONIC Esports matapos nilang paluhurin ang Malvinas Gaming ng Peru.
Sumentro ang taktika ng Malaysian squad sa panggugulo kay Kairi na gamit ang Fanny. ‘Di tinantanan ng Hilda ni Muhammad “YumSkie” Suhairi at Masha ni Idreen “Momo” Jamal ang Pinoy jungler para hindi niya masiguro ang purple buff.
Dahil dito, nahirapan ang Indonesian powerhouse na makipaglaban sa team fights. Bagamat lumamang sila sa kill score, nakukuha naman ng Malaysians ang malalaking objectives.
Pagsapit ng 15 minuto, kumana sina YumSkie at Muhammad “CikuGais” Fuad (Karrie) ng double kill para manaig ang Todak sa decisive clash, at ilang sandali lang ay nilista na nila ang malaking upset.
Back-to-back MVP ang nakuha ni YumSkie na tumikada ng 3/3/6 KDA, 64% kill participation at 132K damage taken sa laro. Higit sa mga ito, naging susi ang panggugulo niya kay Kairi sa panalo.
No. 1 ngayon ang Todak sa Group B, liyamado sa Malvinas Gaming na may 1-1 kartada. Tabla naman ang ONIC Esports at MDH Esports sa No. 3 na may tig-isang talo.
Magpapatuloy ang mga laban sa pangkat sa Martes, ika-3 ng Enero.
I-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa mga balita patungkol sa M4.