Inilahad na ng TNC ang kanilang kumpletong lineup para sa misyon nilang makabawi sa darating na Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines (MPL PH) Season 11.
Matapos ang mapait na kampanya noong Season 10, napagpasyahan ng Phoenix Army na panatilihin si beteranong roamer/tank Ben “Benthings” Maglaque upang pangunahan ang koponan na kinabibilangan ng ilang mga datihan at mga baguhan sa liga.
Naging malikhain ang organisasyon sa pagpapakilala ng kanilang mga manlalaro para sa panibagong season. Ginawa nila ito sa pamamagitan ng isang malupit na video roster reveal na pinamagatang “Biyaheng Tagumpay”.
Pangungunahan pa rin ni Benthings ang TNC sa MPL PH Season 11
Makakasama ulit ni Benthings ang kanyang mga kakampi noong nakalipas na dalawang seasons na sina Jomarie “Escalera” Delos Santos (nagpalit mula mid laner patungong roamer/tank), Robee Bryan “Ninjakilla” Pormocille (gold laner, dating kilala bilang Yasuwo), at Mark “Kramm” Rusiana (EXP laner).
Lumipat naman mula Bren Esports si jungler Kenneth “Saxa” Fedelin at kinuha rin ng TNC ang jungler ng Z4 Esports na si King Cyric “K1NGKONG” Perez. Inaasahang pupunan nila ang malaking puwang na iniwan ni Shemaiah Daniel “SDzyz” Chu, na tumungo sa Z4 Pegaxy.
Pasok din sa koponan ang iba pang amateur standouts na sina Jetson “Goyo” Ignacio (mid laner) at Kristofer Malcus “Hesu” Calderon (EXP laner) mula sa Virgin Souls, John Vincent “Innocent” Banal (gold laner) mula sa Lazy Esports Pro, at Jayson “Riku” Alupit (mid laner) mula sa Reech Apex.
Nagbabalik naman bilang head coach ng koponan si Laurenz “Lift” Ruiz. Siya ang gumabay sa Work Auster Force papasok sa MPL PH noong Season 7 at kalaunan ay in-acquire sila ng TNC pagdating ng franchise system noong Season 8.
Makakasama ni Lift ang mga assistant coach na sina Jemson “Scholar” Ignacio at Jaypee “Right” Lugtu.
Kumpletong lineup ng TNC para sa MPL PH Season 11
- Ben “Benthings” Maglaque (roamer)
- Jomarie “Escalera” Delos Santos (roamer)
- Robee Bryan “Ninjakilla” Pormocille (gold laner)
- Mark “Kramm” Rusiana (EXP laner)
- Kenneth “Saxa” Fedelin (jungler)
- King Cyric “K1NGKONG” Perez (jungler)
- Jetson “Goyo” Ignacio (mid laner)
- Kristofer Malcus “Hesu” Calderon (EXP laner)
- John Vincent “Innocent” Banal (gold laner)
- Jayson “Riku” Alupit (mid laner)
- Laurenz “Lift” Ruiz (head coach)
- Jemson “Scholar” Ignacio (assistant coach)
- Jaypee “Right” Lugtu (assistant coach)
Sa pagbandera ng mas maraming substitute players ngayon, aasamin ng TNC na makabangon mula sa kanilang last-place finish noong Season 10 at muling paalabin ang kanilang laro na nagdala sa kanila patungo sa 3rd place noong Season 9.
Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.