Hindi man naglaro ang kanilang kapitan na si Ben “Benthings” Maglaque, nagawa pa ring padapain ng TNC ang ONIC PH, 2-1, sa Week 8 Day 1 ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines Season 10 (MPL PH S10).
Mabisang napunan ni Jomarie “Escalera” Delos Santos ang roaming role ni Benthings habang pinasiklab naman ni ace jungler Shemaiah Daniel “SDzyz” Chu ang opensiba ng Phoenix Army sa deciding Game 3.
Bagamat wala nang bearing ito para sa mga bata ni Paulo “Coach 413” Sy dahil tanggal na sila sa playoff race, pinakita nila na nakatanim pa rin sa kanilang puso’t isipan ang mantra ng kilala Pinoy esports organization na “Always Rise”.
Escalera at SDzyz dinala ang TNC patungong upset victory kontra ONIC PH
Ipinamalas ni Escalera ang kanyang husay sa pagiging isang roamer nang gumamit siya ng Grock sa Game 1. Epektibo niyang binigyan ng vision at impormasyon sa posisyon ng kalaban ang kanyang mga kakampi upang manaig sila sa mga team fight at objective taking. ‘Di rin niya tinantanan ang dating kakampi na si Stephen Jasper “Sensui” Castillo (Akai) upang ‘di ito makapwesto nang maayos sa mga laban.
Nilista ng TNC ang 15-minute win kung saan nanguna si Escalera sa kanyang 2/6/8 KDA at 90% kill participation.
Subalit ‘di basta-basta nagpadarag ang Yellow Hedgehogs sa kanilang huling serye sa regular season at pinuwersa ang tabla sa likod ng Valentina ni Frince Miguel “SUPER FRINCE” Ramirez.
Gayunpaman, napabalik ng TNC ang momentum sa kanilang kamay pagsapit ng Game 3 salamat sa maagang mga rotation nila Escalera gamit ang kanyang signature Selena at SDzyz gamit naman ang naka-Assassin emblem na Paquito.
Pinamaga ni SDzyz ang kalamangan ng TNC sa pamamagitan ng ilang pickoffs sa Melissa at jungle Chou. Napatagal lang ONIC ang laro dahil sa Lord steal na ginawa ni Sensui sa 20-minute mark. Sa kabila nito, umangat pa rin ang Phoenix Army dala ng perpektong laro ni SDzyz na kumana ng 8/0/4 KDA at bumitaw ng mahigit 123K damage sa 28-minute victory.
Naungusan ng TNC ang Nexplay EVOS sa No. 7 hawak ang 10 puntos. Susubukan nilang manghila ulit sa kanilang huling serye katapat ang Blacklist International bukas sa ganap na ika-7:30 ng gabi.
Sa kabilang banda, lumagapak sa three-match losing streak ang ONIC at napako sa 22 puntos na kapantay sa ngayon ng Blacklist at Smart Omega. Malabo nang makasilat pa ang Hedgehogs ng top 2 spot na may kasamang upper bracket slot dahil may tatlong serye pang natitira ang defending world champions.
Para sa mga balita sa esports at gaming, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.
BASAHIN: Owgwen, Bren Esports winalis ang Smart Omega para sa 3-match winning streak