Opisyal nang umarangkada ang Biyaheng Tagumpay ng TNC Pro Team ML pagkaraang walisin ang ONIC Philippines sa ikalawang salang nila sa Week 3 ng MPL Philippines Season 11. Ito ay matapos ng mala-delubyo nilang pagsisimula sa regular season kung saan nahulog sila sa 0-10 game losing streak.

Sa mga naturang serye, kapansin-pansin ang ginagawang pagbabago ng lineups ng TNC na ayon kay Coach John “Lift” Ruiz ay kasama sa proseso ng paghahanap nila ng tamang timpla sa atake ng team.


Coach Lift sa patuloy na lineup changes ng TNC Pro Team ML sa MPL PH S11

Credit: MPL Philippines

Sa post-match interview kasama si Mara Aquino, ikinuwento ni Coach Lift ang katwiran ng pinapagulong na lineup changes ng TNC sa pagpapatuloy ng MPL PH Season 11.

Kuwento ng nagbabalik na coach, “Kumbaga, parang nagluluto lang kami ng Adobo. Hinahanap namen yung pinakatamang timpla. Pinakamasarap na timpla.”

Sa tanong kung ito na nga ba ang timpla ng mga pambato ng Phoenix Army, piniling hindi magpalawig ni Coach Lift ukol dito. “Let’s see!”

Credit: MPL Philippines

Pinaka-kapansin-pansin sa ginagawa ng koponan ngayon ay ang paglipat ni Jomearie “Escalera” Santos sa pagitan ng roam at midlane role. Tugon naman ni Coach Lift ukol dito, “Siguro part lang yun ng pag-eexplroe sa lineup namen.”

Susubukang ipagpatuloy ng TNC Pro Team ML ang kanilang Biyaheng Tagumpay kontra sa Smart Omega sa March 11. Kasalukuyang may 1-5 win-loss tala ang koponan at nakatungtong sa 8th place ng standings matapos ang Week 3 Day 2.

Sundan ang pinakahuli sa MPL PH sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa Facebook ng ONE Esports Philippines!

BASAHIN: Ganito naisip ni OhMyV33nus ang game-winning play para sa Blacklist International kontra ONIC PH