Pasabog ang inihandog na debut game ng The Valley para buksan ang sagupaan sa Group D ng M4 World Championship. Ito ay matapos nilang ilampaso ang S11 Gaming na nilubog nila sa dominanteng 12-3 kill score.
Taliwas sa inasahan ng mga miron, sistematiko at disiplinadong gameplay ang isinalang ng North American team na sinelyo ang key objectives at ipinanalo ang kanilang lanes para makalawit ang tagumpay sa loob lamang ng halos 15 minuto.
Bumida sa Group D opener si Ian “FwydChickn” Hohl na nagsalang ng dambuhalang laro hawak ang Thamuz. Pinahanga muli ng dating BloodThirstyKings gold laner ang mga miron sa gilas ng kaniyang play matapos ilista ang halimaw na 778 Gold Per Minute sa EXP lane.
The Valley maagang umarangkada kontra S11
Unang bahagi pa lamang ng laro ay kitang-kita na ang abante ng macro-based composition ng The Valley. Hindi nagawang makasabay ng Hayabusa ni Diego “Jotun” Balog sa bilis ng objective takes ni Michael “MobaZane” Cosgun na hinawakan ang jungler Akai.
Ito ang dahilan kung bakit bago dumako sa 11 minuto ay hawak na ng mga Amerikano ang halos 10k gold lead.
Gayundin ang dominasyon sa EXP lane ni FwydChickn na walang takot na hinarap ang Fredrinn ni Alexander “Papadog” Llanos. Bagamat parehong kunat at sustain ang karga ng dalawa ay nanaig ang The Valley EXP laner dahil na rin sa positioning at rotation ng kaniyang team.
Ito rin ang nagbukas ng mapa para makuha ng gold laner na si Peter “Basic” Lozano ang items para sa kaniyang Karrie. Hindi binigo ng Pinoy ang pamumuhanan ng team sa kaniyang lane dahil nang kumatok sila sa base ng S11 ay walang nakapigil sa pagdausdos ng kaniyang damage output.
Pumukol si Basic ng 4/1/2 KDA para samahan si FwydChickn sa top gold earned listahan.
Sa panalo, maagang makapopondo ang mga kampeon ng NACT Fall Season. Susunod na makakaharap nila ang RRQ Akira sa parehong Day 2, at ang Team HAQ naman sa Day 4.
I-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa pinakahuli tungkol s M4!
BASAHIN: MobaZane: Magiging madali ang Group D para sa The Valley