Matapos ang malamyang laro sa pambukas na serye ng MPL Philippines Season 11, ipinakita ni Blacklist International rookie gold laner Redick “Super Red” Bordeos na kaya niya talagang makipagsabayan sa big league.
Pinagpag ni Super Red ang daga sa kanyang dibdib mula sa MPL PH debut niya kontra ECHO at bumawi sa sumunod na araw para tulungan ang Blacklist na ilista ang 2-0 sweep laban sa TNC.
Hinirang siya na MVP sa Game 1 matapos ilista ang 13/1/2 KDA, 79% kill participation at 841 GPM gamit ang kanyang Brody. Ibinuhos niya rin ang pinakamalaking damage na umabot sa mahigit 90K.
Sa post-game interview ni host Mara Aquino, inilahad ni Super Red na nagsabi siya sa kanyang koponan na mas pag-iigihan niya ang kanyang laro sa ikalawang araw ng liga.
“Kinakabahan po ako kasi kagabi and sabi ko sa team ko na babawi ako ngayon.”
Blacklist International rookie Super Red sa bashers: ‘Ginawa ko na lang po as motivation’
Paliwanag pa ni Super Red sa press conference, nagsilbing mitsa sa magandang laro niya kontra TNC ang mga masasamang salita na natanggap niya matapos silang walisin ng M4 world champion na ECHO.
“Actually nung natalo po kami kagabi versus ECHO, napansin ko nga po na maraming nang-bash sa amin, lalo na po sa akin,” saad niya.
“Pero ‘di po ako nagpadala sa mga sinasabi nila sa’kin. Ginawa ko na lang po as motivation.”
Kitang-kita nga sa laro ni Super Red ang gigil na maka-bounce back. Kaya naman natuwa siya dahil nakapagpakita siya ng performance na nagsilbing tugon niya sa mga pinuna siya sa hindi magandag paraan.
“Sobrang saya po kasi nakabawi rin ako sa mga bashers kasi ang daming nangba-bash sa’kin kagabi. So ito na ‘yung sagot ko sa kanila.”
Katuwang ng rookie gold laner sina dating Nexplay EVOS star player Renejay “RENEJAY” Barcarse at kapwa baguhan na mid laner Kenneth “Yue” Tadeo sa pagtulong sa Blacklist na makuha ang unang panalo ngayong season.
Sunod na haharapin ng defending MPL PH champions ang Smart Omega sa Week 2 Day 2, ika-25 ng Pebrero, 6:30 ng gabi.
Para sa karagdagang esports balita, guides, at highlights, i-follow lang ang ONE Esports Philippines sa Facebook.