Matapos ang mapaghamong simula sa regular season, natagpuan na ng Bren Esports gold laner na si Stephen “Super Marco” Requitano ang tamang ritmo para tulungan ang The Hive na walisin ang lahat ng nakatagpo sa ikalawang linggo ng MPL Philippines Season 11.


Super Marco tinulungan ang Bren Esports dominahin ang Week 2

Pinangunahan ni Super Marco ang M2 World Champion team sa magkasunod na 2-0 tagumpay kontra sa Nexplay EVOS at TNC. Sa proseso, nakalawit ng batang pro ang 5.50 kills, 4.25 assists kontra 1.0 deaths averages katumbas ng halimaw na 9.75 average KDA.

Credit: Moonton

Nagtala ang 16-anyos na pro ng sumatotal na 22 kills at 17 assists kontra sa apat na deaths sa apat na larong kinalahukan. Dalawang beses hinawakn ni Super Marco ang Melissa sa naturang Wek 2, kasama ng Karrie at Moskov para ilista ang 4.76 damage per gold.

Dahil dito, hinirang si Super Marco bilang Razer Gold- MPL PH Press Corps Player of the Week sa February 24 hanggang March 2 period.

Ang MPL PH Best Gold laner, sinabing hindi pa kuntento sa kaniyang naipakita sa unang dalawang linggo ng Season 11 at nangakong mas magiging consistent para sa Bren Esports sa mga susunod pa nilang bakbakan.

Credit: Moonton

“Out of 10, feeling ko eight pa lang po yung performance ko kasi alam ko po may ma-i-improve pa sa aking laro at kailangan ko pang maging mas consistent para matulungan ko pa lalo yung team ko,” kuwento ni Super Marco, na nakatakdang makakuha ng Razer Barracuda mula sa Razer Gold.

Nalamangan ni Super Marco ang kapwa Bren Esports pro na si Rowgien “Owgwen” Unigo at Blacklist International captain na Johnmar “OhMyV33NUS” Villaluna sa lingguhang parangal na pinagbobotohan ng online at print media na nag-uulat sa MPL PH beat katuwang ng mga broadcaster at operations team ng liga.

BASAHIN: MPL PH Press Corps magtatanghal ng unang awards night