Matapos na matagal na masilid sa second unit ng Bren Esports, malugod si Dale “Stowm” Vidor na may pagkakataon na siyang patunayan ang kalibre ng kaniyang play ngayong MPL Philippines Season 11.

Sentro ngayon ang 19-anyos sa bagong-pormang Smart Omega kung saan pinupunan niya ang puwang na iniwan sa Mid Lane ng dating kapitan ng team at ngayon ay analyst na si Patrick “E2MAX” Caidic.

Credit: MPL Philippines

At ngayong nakalawit na ng Barangay ang una nilang tagumpay sa regular season, hindi itinago ni Stowm ang kaniyang galak na makapaglaro bilang starter ng isang team.


Stowm gustong patunayan ang sarili sa starting role sa OMG

Pagkaraang tulungan ang kaniyang hanay na padapain ang matikas na RSG Slate Philippines, tinugon ni Stowm ang tanong ni Mara Aquino ukol sa pakiramdam niya ngayong starter na siya ng isang team tulad ng Smart Omega.

Credit: MPL Philippines

Aniya, “Sobrang saya po kase yun nga yung sinabe mo po na 6th man ako ng sobrang tagal. Kasi ako nagsasawa na ako mag-scrim eh.”

“Kaya ako naging pro kasi nag-eenjoy talaga ako sa paglalaro kaya tuwang-tuwa ako na kahit papaano napapatunayan ko na yung sarili ko as main 5 dito sa Smart Omega,” pagtutuloy ng OMG midlaner.

Hindi bigo ang mga Barangay sa nakuha nilang performance mula sa batang pro na bagamat malumanay ang 3/3/11 total KDA niya sa buong serye ay ipinakita niya ang dulas ng kemistri kasama ang bagong niyang team.

Dagdag pa ni Stowm, “Sobrang exciting kasi alam kong sobrang daming kaya ko pang ibuga para sa fans namen.”

Sundan ang pinakahuli sa MPL PH sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa Facebook ng ONE Esports Philippines!

BASAHIN: Pitik ng ONE Esports: Kitang-kita ang galak ng lahat sa pagbabalik ng MPL PH