Gumaganda ang takbo ng kampanya ng Smart Omega sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines Season 11 (MPL PH S11), at malaki ang naging ambag dito ang kanilang bagong coach na si Patrick “E2MAX” Caidic.
Sa pagpasok ng bagong season, isang malakihang pagbabago ang naganap sa roster ng Omega, kung saan may tatlong bagong players na pumasok sa kanilang main squad, sina Dale ROlan “Stowm” Vidor, Deomark “Mikko” Tabangay, at Gabriel “Louis” Ariola.
Dahil nasa adjustment phase pa ang team sa unang bahagi ng Season 11, naging mahirap ang mga unang laban ng Barangay, partikular sa unang half ng regular season.
Ngunit tulad ng kanilang ipinakita sa mga nagdaang seasons, nagsisimula nang mag-init ang Omega. Sa tulong ng bawat miyembro, pati na rin ng kanilang bagong coach ay unti-unti nang umaangat ang koponan sa standings.
E2MAX tiwala sa kakayahan ng mga bagong players ng Smart Omega
Sa post-match press conference matapos magwagi laban sa RSG Philippines, ipinahayag ng player-turned-coach na si E2MAX ang kanyang palagay sa mga bagong players ng Barangay.
Ayon sa kanya, naniniwala siya sa potensyal na kayang ilabas ng mga rookies sa kanilang koponan.
“Sa mga bagong players namin, sobrang confident kami na kaya talaga nilang i-fulfill yung mga spot na nakuha nila. Kasi may mga talent talaga sila eh, so andun yung skills talaga nila,” sabi niya.
Maliban sa skills, kinumendahan din ng coach ang mabuting pag-uugali at pagiging propesyunal ng tatlong rookies, bagay na mahalaga para sa isang esports athlete.
“Also sobrang babait pa, sobrang daling turuan. Kaya alam namin na kahit maikli lang yung panahon, kaya namin silang mapalakas nang sobra-sobra kasi yun naman yung susi eh.”
Bilang pagtatapos, ibayong pagpupuri ang iniwan ni E2MAX para sa kanyang mga players na magiging susi upang mapakawalan ang kanilang potensyal at maisagawa nila ang misyon ng team para sa season na ‘to.
“Kelangan lang open sila sa mga ituturo and open sila sa mga ideas and yun naman ang nakita namin sa tatlong mga bagong players namin. Kaya sobrang confident kami na lalakas sila ngayong season.”
Susunod na makakalaban ng Smart Omega ang TNC Pro Team sa Sabado, March 25.
Para sa iba pang balita tungkol sa esports at MPL, i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.