Pagkaraan ng heartbreaker kontra ECHO sa Day 2, manunumbalik sa winners column ang Smart Omega bilang panapos sa Week 6 ng MPL Philippines Season 10. Ito ay sa pamamagitan ng pagpapadapa nila sa TNC Pro Team ML na ginapi nila sa dikdikang game 3 para mailista ang 2-1 tagumpay.
Nakauna man ang Phoenix Army sa nasabing serye ay hindi na pinayagan ng Barangay na makaisa muli ang katunggali na nag-aagaw buhay mula sa playoff contention. Sumandal ang OMG sa tikas ng Ruby ni Deomark “Mikko” Tabangay sa game two habang Claude ni Duane “Kelra” Pillas ang nagpakitang-gilas sa closer.
Kelra at Mikko nanguna sa reverse sweep ng Smart Omega laban sa TNC
Bago makalawit ang reverse sweep, kakaibang-nerbyos muna ang ipinadama ng TNC sa Smart Omega. Ito ay matapos maagang nagbaga ang Phoenix Army sa game one dala ng control at burst threat kombinasyon ng kanilang Ruby at Kadita.
Gayunpaman, hindi ang support duo ang bumida sa opener kundi ang Paquito ni Mark Genzon “Kramm” Rusiana na dumating sa mga akmang pagkakataon para sapak-sapakin ang damage dealers ng OMG papunta sa 5/3/5 KDA at MVP of the Game gantimpala.
Sapat ito para gisingin ang diwa ng MSC 2021 champions na nag-init sa dalawang magkasunod na laro. Rumagasa ang Smart Omega sa game two sa tulong ng Ruby ni Mikko na muli’t-muling umangat sa mapa at binuksan ang teamfights para makuha ang key pickoffs.
Malinis na 0/1/7 KDA at 86% Kill Participation ang ipinako ng Smart Omega roamer para paamuhin ang mga katunggali at tapusin ang ikalawang mapa sa loob lamang ng 13 minutes.
Samantala, malagkit ang nasakishan ng mga miron sa decider kung saan naghalinhinan ang magkabilang teams sa kontrol sa mapa. Krusyal ang naganap na Lord dance sa ika-21 minuto kung saan nagpalitan sila ng kanilang team fight ultimates sa pag-asang makuha ang importanteng objective.
Sa huli ay si Kiel VJ “Kielvj” Hernandez (Lylia) pa ang nakaselyo ng Lord na nagbigay ng go signal para tugisin ng Smart Omega ang noon ay nag-baback na mga miyembro ng TNC. Sinundan ito ni Kelra ng pasabog na BMI + Blazing Duet combo na gumulantang sa kalabang team at nagdala sa kanila sa dehadong base defense.
Susi ang play ng Smart Omega gold laner sa comeback matapos maglista ng sandamukal na 85k damage output at 1/1/5 KDA para hiranging MVP of the Game.
Matapos ang tagumpay, mapapagtibay ng Barangay ang kanilang puwesto sa playoff race kung saan kasalukuyan silang may 17 points katumbas ng 5th place sa regular season standings. Sa kabilang bahagi, Itutulak nila ang TNC sa alanganing 1-10 record at 8 points.
Subaybayan ang MPL PH sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa Facebook ng ONE Esports Philippines.
BASAHIN: ONIC PH binokya ang RSG PH, iseselyo ang unang playoff spot sa MPL PH S10