Ilang araw na lang ay magtatapos na ang regular season ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines Season 11 (MPL PH S11). At sa pagpasok ng Week 8, nasa bingit pa rin ng kawalan ng katiyakan ang tadhana ng Smart Omega sa pagpasok sa playoffs.
Kasalukuyang nasa ikaanim na pwesto sa standings ang Omega na may 15 points, sa pagitan ng nagpupumiglas na Nexplay EVOS na may 13 at ONIC PH na pinipilit iwan ang Barangay sa karera na may 16 points.
Medyo delikado ang pwesto ng Omega dahil anim lamang sa walong koponan ang makakapasok sa susunod na bahagi ng liga, kung kaya’t magiging kaabang-abang ang mga susunod na laban para sa mga koponang nagpupursigi sa huling palo ng regular season.
Kondisyon upang makapasok ang Smart Omega sa MPL PH S11 playoffs
Ang kelangang maging puntirya ng Omega ay ang maungusan ang isa sa dalawang kadikit nitong koponan, ang NXPE at ONIC. Kapag nagawa nilang mahigitan sa puntos ang kahit isa sa dalawang ito ay sigurado na ang Barangay sa playoffs.
Ang pinaka-safe na scenario para sa Smart Omega ay ang makakuha ng hindi bababa sa 5 points mula sa kanilang susunod na dalawang matches na magbibigay sa kanila ng sumatotal na 20 points. Ito ay dahil 19 points lang ang pinakamataas na maaaring makuha ng NXPE at ONIC. Upang magawa ito ng Omega, kinakailangang maipanalo nila ang kanilang dalawang laban, kung saan isa ay dapat ma-sweep 2-0.
Magiging mas madali rin para sa Barangay kung tatalunin ng Bren Esports ang ONIC, dahil isa na lang ang natitirang laban ng Hedgehogs para sa huling linggo ng regular season at ito na ang huli nilang pagkakataon na makakuha ng puntos. Matatandaan rin na nanalo ang Bren 2-0 sa huli nilang paghaharap.
Sa kabilang panig naman, kung titignan ang NXPE ay lamang nang dalawang puntos ang Omega. Magiging matinding pagsubok din ang mga natitirang laban para sa mga Tigers dahil makakasagupa nila ang Blacklist International at RSG Slate Philippines, dalawang koponan na tumalo sa kanila sa unang bahagi ng regular season. Pabor ito para sa Omega dahil kelangan lang nilang panatilihin ang kalamangan sa NXPE upang maselyo ang kanilang lugar sa MPL PH S11 playoffs.
Sa huli, nakasalalay pa rin ang magiging kapalaran ng Barangay sa sarili nilang mga kamay. Ang kanilang performance sa mga darating na laban ang magdidikta kung karapatdapat ba silang humanay sa mga pinakamahuhusay na teams sa bayan ng pinakamalakas na Mobile Legends scene sa buong mundo.
Makakaharap ng Smart Omega ang ECHO sa April 14, at TNC Pro Team naman sa April 15.
Mapapanood ang opisyal na Filipino broadcast ng MPL PH S11 sa mga sumusunod na channels at pages:
Para sa iba pang balita tungkol sa gaming at esports, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook