Nakilala ang koponan ng Smart Omega sa kanilang bangis sa magugulong team fights, tapang sa mga shotcall, at ang karga nilang lason pagdako ng late game. Ngunit kontra ONIC Philippines sa Week 7 Day 2 series ng MPL Philippines Season 10, ipinakita ng Baranggay ang ibang dimensyon ng kanilang laro.

Sa kangkungan natagpuan ang kalabang Yellow Hedgehog team matapos pumukol ng halos perpektong laro ang Smart Omega sa pangunguna ni Duane “Kelra” Pillas. Walang nagawa ang top-ranked kalaban sa gilas ng OMG gold laner na nagtala lamang ng 1 death sa dalawang laro.


Kelra kumamada para sa Smart Omega, nilubog ang ONIC PH sa 2-0

Credit: MPL Philippines

Sukatan ang naging tema ng dalawang games kung saan pasensyoso ang magkatunggaling teams na nag-farm muna ng key items bago sumalang sa objective takes. Sa game one, tumagal muna ng 11-minuto bago naitala ang First Blood, matapos natagpuan ni Mico “Mikko” Tabangay (Ruby) si Ralph “Rapidoot” Adrales (Chou) pagkapitik ng I Am Offended sa midlane.

Mahigpit ang tagisan ng parehong teams sa objectives, ngunit pareho ang ideya nina Kelra (Claude) at Kenneth “Nets” Barro (Melissa) na magnakaw ng push sa magkabilang lanes. Sa huli ay mas nakatulak ng mas mabilis si Kelra sa topside para isarado ang larong tumagal ng lampas 30 minutos.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

Hinirang na MVP of the Game ang OMG gold laner matapos maglista ng perpektong 0/0/12 KDA.

Kung gaano kahaba ang iginugol sa unang mapa ay gayon naman kabilis ang inihandog ng Smart Omega sa game two. Bagamat mas maaksyon ng bahagya ang early game nito ay parehong tiyaga at pag-iingat ang ipinakita ng OMG at ONIC.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

Pokes ang naging susi ng Smart Omega para makalamang sa early objective takes. Hindi na muling lumingon ang koponan ni Jaime “Coach Pakba1ts” Abalos na desimuladong nilinis ang inhibitor turrets ng mga naka-dilaw dala ng zoning ng Pharsa ni Kiel VJ “kielvj” Hernandez at makating damage ng Bruno ni Kelra.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

Tapos ang serye sa 14 minutes, tampok pa rin si Kelra bilang MVP of the Game. Nagtala ang tubong-Muntinlupa ng 3/1/1 KDA para tulungan ang kaniyang Smart Omega team na umabante sa season 10 standings.

Matapos gapiin ang ONIC PH, matutumbok ng koponan ang ligtas na 4th place sa 7-5 record katumbas ng 19 points.

Sundan ang pinakahuli sa MPL PH sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: OhMyV33NUS, BON CHAN inilahad ang kailangan at inaasahan ng team papunta sa MPL PH S10 playoffs