Inilabas na ng Moonton noong November 18 ang pinakabagong handog nila sa Land of Dawn na si Joy. Ang Flash of Miracle ay ang pinakahuling adisyon sa hanay ng assassins sa Mobile Legends na may pambihirang skillset.
Sa unang tingin, kakaiba na agad ang dating ng hero kung ipaparis sa mga karakter na nasa ilalim ng kaniyang hero class. Makulay kasi at maaliwalas ang anyo ni Joy, malayo sa malagim at maangas na hitsura ng ibang babaeng assassin tulad ni Benedetta.
Ngunit hindi lamang sa dating kaiba ang pinakahuling adisyon sa Mobile Legends. Bukod-tangi ang kaniyang kit dahil kinaikailangang makasabay ka sa kaniyang ritmo para mailabas ang dambuhala niyang damage output.
Skills ni Joy sa Mobile Legends
Passive – Humph, Joy’s Angry!
Kapag nakatama si Joy ng non-minion target ng alinman sa kaniyang skills, papasok ang karakter sa kaniyang enraged state kung saan mas mataas ang kaniyang movement speed at magkakaroon siya ng shield.
First skill – Look, Leonin Crystal!
Mag-susummon si Joy ng isang Leonin Crystal sa battlefield sa piniling lokasyon. Karga nito ang single magic damage strike sa malapit na kalaban, kung kaya’t maaari itong gamitin para sa wave clear at pokes sa enemy heroes.
Pinakamabisa ang epekto nito kung itatambal sa kaniyang second skill na Meow, Rhythm of Joy!, para makalapit o makalayo sa mga kalaban.
Second skill – Meow, Rhythm of Joy!
Mag-dadash si Joy sa isang direksyon na may kargang damage sa kalaban na madadaanan. Maaaring ma-cast muli ang skill na ito kapag natamaan niya ang nailapag na Leonin Crystal o kaya naman ay ang kalabang hero, ng limang ulit.
Ang yellow bar na matatagpuan sa screen ang magsisimbolo sa rhythmic beat, at kinakailangang ma-cast ng players ito sa puntong ito ay nasa full bar. Kung nakatiyempo, mas sasakit ang damage ng kaniyang second skill pati na rin ang kaniyang ultimate.
Ultimate – Ha, Electrifying Beats!
Tataas ang movement speed ng assassin at magpapakawala ng magic damage sa isang area ng walong beses.
Kapag na-cast ang Ultimate, mawawala ang lahat ng debuffs na nakadikit sa kaniya at magiging immune sa mga slow effects sa skill duration.
Sa paglabas ng bagong karakter ay inaasahan na mas magiging dinamiko ang mga laro sa Land of Dawn dahil pambihira ang potensyal ng hero na kayang magpagulong ng snowball ng team, lalo pa kung nasa tamang tiyempo ang player na gumagamit.
Sundan ang pinakahuli sa Mobile Legends sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa ONE Esports Philippines sa Facebook.
BASAHIN: Jungler Carmilla napatunayang OP