Lahat ay napapanganga sa husay ng mga Pilipino sa larangan ng Mobile Legends: Bang Bang. Kung hindi sapat na pruweba ang pagwawagi ng Pinoy teams sa magkasunod na M World Series, maaari na lamang suriin ang nagaganap ngayon sa M4 World Championship kung saan nagkalat ang talento mula sa bayang sinilangan.
Ang mga talentong ito, hindi lamang mula sa dalawang kinatawan ng Pilipinas sa pinakapresitihiyosong liga sa laro.
Pagkaraan ang dominasyon ng bansa sa M3, umusbong ang pag-iimport ng mga Pinoy sa halos lahat ng sulok ng mundo na nilalaro ang MLBB. Karamihan sa kanila ay matagumpay ang kampanya para sa kani-kanilang mga organisasyon.
Sino ba ang makakalimot sa nagawa nina Denver “Coach Yeb” Miranda at Kairi “Kairi” Rayosdelsol na niyakag ang ONIC Esports para bumalik sa tuktok ng MPL Indonesia? Sa MPL Cambodia, ipinakita ni Michael “Coach Zico” Dizon at Jhonwin “Hesa” Vergara ang tindig ng Pinoy para itulak ang Burn x Flash sa tagumpay sa Autumn 2022. Si Coach Steven “Dale” Vitug naman, sinubukang pabagain lalo ang makinarya ng kaniyang Falcon Esports mula Myanmar.
Bukod sa mga pangalang ito, may isa pang Pilipino na iwinawagayway ang watawat ng bansa sa M4.
Ito ay si Ameniel “Coach Mundo” Del Mundo na ulo ng nagpapakitang-gilas na Occupy Thrones.
Sino nga ba si Coach Mundo ng Occupy Thrones?
Eksklusibong nakapanayam ng ONE Esports Philippines si Coach Mundo para kilalanin ang Pinoy na utak ng Occupy Thrones, gayundin para alamin ang proseso ng kaniyang pagsanib sa team.
Kuwento niya, “Well actually kasi may mga influencers, that time I was handling Praxis Esports and we we’re competing in the amateur scene. So talagang kahit papaano nakaka-ano-ano na din, nakakatap-tap na din.”
“Actually some of the Minana players, players ko yun noon. So sila Mitzu, DOMS,” dagdag pa ng Occupy Thrones coach.
Sa una raw ay naging palaisipan para sa kaniya kung kukuhanin ang trabaho ng full time lalo pa’t abala si Coach Mundo sa kaniyang negosyo bilang CEO ng Spark PH, isang kumpanya na gumagawa ng smart applications.
“Pero sabi nila part time lang kasi midnight 12 to 2 o clock in the morning. Sabi ko sige kunin ko nalang. Kase tutal, extra sideline. Tiyaka nakita ko naman yung potential sa original lineup nila kaya nanalo sila sa MPL nila on that region.”
Ngayong M4 lamang daw niya kinuha ang posisyon full time at nakasama ang kaniyang manlalaro ngunit patuloy daw siyang umaasa na makakagawa ng ingay ang MPL MENA Fall 2022 champions.
“Yung Praxis staff ko na assistant coaches sa Pilipinas we’re helping analyze the game to help them to get better,” kuwento pa ni Coach Mundo.
Hindi raw kasi biro ang dikdikan ngayon sa world stage, “Iba talaga yung meta sa kanila compared dito. Siyempre mas complicated at mas malaki yung hero pool diba.”
“Trust the program lang. Actually it includes talaga yung Lower Bracket sa program kasi parang mahirap talaga yung, to be honest, mahirap yung Upper Bracket. Kaya ang program from the beginning, lower talaga, day by day na progress. Yun lang.”
Matarik man ang kumpetisyon, sumasandal daw si Coach Mundo sa natutunan niya sa isa pang dekoradong coach sa MPL PH na nakasama niya sa pamosong koponan ng Ark Angel.
“If im gonna go coach a team, i might as well win a championship. Mentor ko si Coach Panda and that’s what he taught me.”
I-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa mga eksklusibong conten ukol sa M4 World Championship.
BASAHIN: Kinapos man sa M4, masaya si Coach Zico sa naging impact nila ni Hesa sa Burn x Flash